Kanlaon ashfall umabot na sa Cebu; MCIA nagkansela ng 23 flights

NAGDULOT ng kanselasyon ng ilang flights sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang ashfall na ibinuga ng Kanlaon Volcano matapos ang pagsabog nito.
Sa advisory ng pamunuan ng MCIA, umabot sa 23 flights ang nakansela hanggang alas-3:50 ng hapon dahil sa ashfall na umabot sa paliparan.
Kabilang na riyan ang 19 flights patungong Bacolod, Cagayan de Oro, Coron, Bicol, Siargao, Ozamiz, at Clark.
Apat na flights naman ang cancelled mula Caticlan, Manila, at Davao.
Baka Bet Mo: ALAMIN: Paano protektahan ang sarili mula sa ashfall?
Nauna nang sinabi ng MCIA bandang alas-11:50 ng umaga na may naitalang ashfall sa paligid ng airport, kabilang ang runway.
Gayunman, hindi pa noon naaapektuhan ang flight operations habang isinasagawa ang paglilinis.
Ngunit habang lumalakas ang hanging papuntang silangan, mas maraming volcanic ash ang umabot sa Cebu kaya napilitang kanselahin ang ilang biyahe.
Ayon kay Mariton Antonia Bornas, chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na iniulat ng INQUIRER, papuntang silangan ang direksyon ng hangin nang mangyari ang pagputok ng bulkan kaya umabot ang abo hanggang sa lalawigan ng Cebu.
Nagkaroon ng moderately explosive eruption ang Kanlaon Volcano alas-7:33 ng umaga noong Huwebes, July 9, matapos ang ilang araw na mataas ang sulfur dioxide emissions nito.
Ayon naman kay Mari Andylene Quintia, resident volcanologist ng Phivolcs Kanlaon Observatory, senyales ang pagsabog na may mababaw na magma na nagtutulak sa aktibidad ng bulkan.
Sinabi rin niya na narinig ang malakas na pagsabog sa Canlaon City, Negros Oriental, at sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental.
Nagbuga rin ang bulkan ng madilim na usok na umabot sa dalawa hanggang tatlong kilometro ang taas bago tangayin ng hangin papuntang silangan.
Dahil sa malalakas na hangin, umabot ang ashfall hanggang sa Cebu.
Batay sa drone footage ng pamahalaang lungsod ng Canlaon, makapal na abo ang tumabon sa uptown area ng Barangay Mabigo.
Nababalot ng abo ang mga bahay, kalsada at mga halaman kaya nagmistulang kulay abo ang paligid.
Nakumpirma rin ang ashfall sa Barangay Buluangan sa San Carlos City, Negros Occidental.
Patuloy namang bineberipika ng mga awtoridad ang mga ulat ng ashfall sa Vallehermoso, Negros Oriental.
The post Kanlaon ashfall umabot na sa Cebu; MCIA nagkansela ng 23 flights appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments