Ate Gay nag-thank you kay Lord: Wala na akong bukol sa ilong at leeg!

ABOT-LANGIT ang pasasalamat ng komedyanteng si Ate Gay dahil tuluy-tuloy na nga ang pagbuti ng kanyang health condition.
Masayang ibinalita ni Ate Gay o Gil Morales sa tunay na buhay, na tuluyan nang nawala ang bukol sa kanyang ilong at leeg.
Ito’y kaugnay pa rin ng pagkakaroon niya ng stage 4 mucoepidermoid carcinoma, na sinasabing isang “rare, aggressive cancer”.
Sa latest post ni Ate Gay sa kanyang Instagram page, sinabi niyang wala na raw lumabas o nakitang bukol sa naging resulta ng kaniyang Magnetic Resonance Imaging (MRI).
“Ang ganda ng Doktora ko oh (Dra. Jaeme Fernandez) at magandang balita wala na akong bukol sa ilong at Leeg result ng MRI,” ang caption ng komedyante sa kanyang litrato.
Aniya pa, “[Y]eheyyyy. Thank you Lord Jesus.”
Dagdag pa niya, apat na immunotherapy na lang daw ang dapat gawin sa kanya sa bawat 21 na araw at matatapos na ang pagpapagaling niya sa kanyang sakit.
“4 na lang na immuno (every 21 days) ay tapos na… salamat po sa Dasal at sa mga Anghel ko,” saad pa ng impersonator ng National Artist at Superstar na si Nora Aunor.
Kung matatandaan, tinubuan ng malaking bukol sa kanang leeg si Ate Gay, matapos ma-diagnose ng stage 4 mucoepidermoid carcinoma.
Naging libre ang pagpapagamot ng komedyante sa tulong ng isa niyang fan, na siya ring nagbigay sa kanya ng libreng accommodation sa isang condo unit, para malapit lang siya sa ospital kung saan siya nagpapagamot.
Sa isang panayan, sinabi ng stand-up comedian na ang lagi niyang ipinagdarasal, “Tumagal pa ang buhay ko, na kailangan ko pang malibot ang buong mundo para magpasaya ng mga tao.”
“Kumapit po ako sobra (sa Diyos). Ibinigay ko na po ang aking kaluluwa sa Kanya, ang aking sarili, mapagaling lang po ako,” sabi pa ni Ate Gay.
The post Ate Gay nag-thank you kay Lord: Wala na akong bukol sa ilong at leeg! appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments