Responsive Ad

Bam Aquino proud Batang 90s, na-enjoy Home Along Da Riles Da Reunion

Bam Aquino proud Batang 90s, na-enjoy Home Along Da Riles Da Reunion

SA pagbabalik ng isa sa pinakapaboritong Pinoy TV franchise sa sinehan, dumalo si Sen. Bam Aquino sa espesyal na screening ng “Home Along Da Riles Da Reunion” sa SM Mall of Asia Cinema 5.

Nakasama ni Sen. Bam ang ilan sa  cast members ng pelikula, kabilang sina Vandolph Quizon, Boy 2 Quizon, Smokey Manaloto, Gio Alvarez, Maybelyn Dela Cruz, at Dang Cruz.

Kasabay nito ang pagbabalik-tanaw sa masasayang alaala ng sikat na sitcom at panonood ng reunion film kasama ang mga tagahanga na unang pinagbidahan ni Comedy King Dolphy.

“Hindi kumpleto ang pagiging Batang 90s natin kung hindi ka lumaki sa Home Along Da Riles,” ani Sen. Bam.

Binati ni Sen. Bam ang cast at production team ng reunion film at pinuri ang kanilang pagsisikap na maibalik ang isang kuwentong patuloy na tumatatak at minamahal ng mga manonood kahit makalipas ang ilang dekada.

“Congratulations sa buong cast at production team ng Home Along Da Riles Da Reunion. Salamat sa mga tawa, alaala, at maging sa mga luhang hatid ng kwentong muling nagbigay-buhay sa isang paboritong bahagi ng ating kabataan,” saad pa ng senador.

“Talagang ramdam ang pagmamahal at sipag na inilaan ninyo para sa pelikulang ito,” dugtong pa niya.

Muli ring ipinahayag ng senador ang kanyang buong suporta sa lokal na industriya ng pelikula, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtataguyod sa mga kuwentong Pilipino at malikhaing talento ng bansa.

“Patuloy nating susuportahan ang Pelikulang Pilipino,” ani Sen. Bam, na isinusulong na mabigyan ng mas matibay na suporta ng pamahalaan ang creative industry ng bansa dahil sa malaking potensyal nito na makalikha ng mas maraming trabaho at magpasigla ng ekonomiya.

Ayon sa senador, nananatiling isa sa pinakamalalaking lakas ng Pilipinas ang creative sector at nararapat lamang itong suportahan sa pamamagitan ng sapat at tuloy-tuloy na pondo, gayundin ng isang pangmatagalang plano mula sa gobyerno.

Aniya, ang pinakalakas na suporta sa mga Pilipinong creatives, artists, content creators, filmmakers, musicians, at designers ay hindi lamang magbubukas ng mas maraming kabuhayan at oportunidad sa trabaho, kundi magpapakita rin ng galing ng Pilipino sa pandaigdigang entablado.

The post Bam Aquino proud Batang 90s, na-enjoy Home Along Da Riles Da Reunion appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments