‘Pangkabuhayang QC’ nagbabalik; aplikasyon sa small negosyo bubuksan sa Hunyo

GOOD news sa mga QCitizens na may pangarap magnegosyo o palakihin pa ang kanilang raket!
Bubuksan na ng Quezon City Government ang aplikasyon para sa Pangkabuhayang QC (PBQC) Phase 6 Batch 1 mula June 1 hanggang 15.
Mas pinaigting pa ngayon ng lungsod ang kanilang suporta para sa maliliit na negosyo at aspiring entrepreneurs, kaya naman may ilang bagong patakaran para mas maging maayos at organisado ang proseso ng aplikasyon.
Kabilang dito ang pag-integrate ng pagkuha ng Nano Enterprise Permit bilang bahagi ng application process para sa capital assistance.
Baka Bet Mo: QC residents pinayuhang mag-face mask dahil sa ‘unhealthy’ air quality
Layunin nitong hikayatin ang mas maraming maliliit na negosyo na maging legal at mas mapadali rin ang monitoring ng programa.
Mas malinaw na rin ngayon ang pagkakaiba ng categories para sa Micro Entrepreneur at Vendor applicants para mas swak at mas mabilis umano ang evaluation ng mga aplikasyon.
Para sa mga under Micro Entrepreneur category, kailangan magsumite ng kahit isa sa mga sumusunod bilang proof of business: DTI Business Name Registration Certificate, Mayor’s Permit, BIR Certificate of Registration o SEC Certificate of Incorporation.
Maaari ring isumite ang existing Nano Enterprise Permit kung mayroon na nito.
Samantala, ang mga vendor applicants naman ay kailangang magpakita ng valid Hawker’s o Market Permit mula sa Market Development and Administration Department, kasama ang kanilang Market Permit Number bago ma-release ang grant.
Hindi rin nakalimutan ng programa ang mga wala pang existing business.
Maaaring magsumite ng ibang dokumento depende sa kanilang sitwasyon tulad ng valid PWD ID, Solo Parent ID, o certification mula sa QC PESO o QC Migrant Resource Center para sa returning OFWs.
Pwede ring magsumite ng certificate o endorsement ang mga nakatapos ng livelihood o entrepreneurship training mula sa QC government, national agencies o partner institutions basta may minimum na 16 oras ang training program.
Mas high-tech na rin ang proseso dahil dadaan na ang applications sa upgraded QC eServices portal na may real-time tracking system mula submission hanggang validation at permit processing.
Pinapatakbo ng QC Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (QC-SBCDPO), layunin ng programa na mabigyan ng puhunan, training at business networks ang mga kwalipikadong QCitizens para makapagsimula o mapalawak pa ang kanilang negosyo.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, mahalagang bahagi ng economic agenda ng lungsod ang pagtulong sa maliliit na negosyante at vulnerable sectors.
“We want every QCitizen with a dream to have a fair chance to build a sustainable livelihood. Through Pangkabuhayang QC, we aim to be a City of Entrepreneurs—not only by providing capital assistance, but also by equipping our beneficiaries with the right training and opportunities to build sustainable, long-term businesses,” sey ng alkalde.
Mula nang ilunsad noong 2021, mahigit 70,000 beneficiaries na ang natulungan ng Pangkabuhayang QC at nakapag-release na ito ng higit P735 million na capital assistance para sa paglago ng mga negosyo at paglikha ng trabaho sa lungsod.
Kaya sa mga QCitizens na gustong magkaroon ng extra income o sariling negosyo, ihanda na ang requirements dahil baka ito na ang chance para umangat ang inyong kabuhayan!
Para sa iba pang impormasyon, i-folow na ang QC-SBCDPO Facebook page at sumali sa official PBQC Messenger Channel.
Ang mga interisado naman ay pwedeng makipag-ugnayan sa QC-SBCDPO sa pamamagitan ng 8988-4242 (locals 8731, 8734, and 8736), o mag-email sa pangkabuhayangQC@quezoncity.gov.ph at SBCDPO@quezoncity.gov.ph.
The post ‘Pangkabuhayang QC’ nagbabalik; aplikasyon sa small negosyo bubuksan sa Hunyo appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments