BINI matapos kilalaning pride ng OPM sa Senado: ‘Hindi namin akalain!’

TILA hindi makapaniwala ang nations’ girl group na BINI matapos silang parangalan ng Senado.
Ito ay dahil sa kanilang makasaysayang performance sa world-famous music festival na Coachella noong nakaraang buwan.
Kompletong dumalo ang walong miyembro ng grupo sa Senado noong May 6 para tanggapin ang Senate Resolution No. 370 na pinangunahan ni Sen. Bam Aquino.
Sa kanyang sponsorship speech, pinuri ni Aquino ang grupo sa pagdadala ng talento ng mga Pilipino sa international stage.
Baka Bet Mo: Bam Aquino bet gawing ambassador for tourism ang BINI
“Ang tagumpay ng BINI ay isang panalong dapat ipagdiwang sa gitna ng mga hamon at krisis na kinakaharap ng ating bansa,” sey pa nga ng senador sa bahagi ng kanyang speech.
Bukod kay Aquino, nagbigay rin ng mensahe sina Joel Villanueva, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Risa Hontiveros, Jinggoy Estrada, Loren Legarda at Kiko Pangilinan para batiin at purihin ang grupo.
Ayon kay BINI leader Jhoanna Robles, sobrang overwhelming para sa kanila ang mainit na pagtanggap ng mga senador.
“Kasi parang ‘yun ngang sinabi ni Senator Loren Legarda kanina na sanay kaming makita na sobrang serious nila, and kanina nagbibiruan sila,” sey ni Jhoanna, na iniulat ng ABS-CBN News.
Patuloy niya, “And also sobrang grateful kami kasi di namin in-expect na mangyayari ‘to, na makakatungtong kami sa ibang stage, sa Senate naman. So thank you po sa pagkilala.”
Dagdag pa niya, “Parang na-validate din lahat ng hardwork, malaking bagay ito sa amin.”
Pag-amin naman ni Colet Vergara, “Laging joke namin, kaninong panaginip ‘to? Kasi hindi namin akalain na mare-recognize ‘yung hardwork namin.”
Samantala, todo-smile naman si Aiah Arceta habang nagpapasalamat sa natanggap na karangalan.
“It’s a good feeling po and we’re just so happy to be here!” hirit ng dalaga.
Nagkaroon din ng espesyal na pagbanggit si Mikha Lim mula kay Hontiveros dahil sa kanyang aktibidad noong Women’s Month, kung saan itinaguyod nito ang mental health awareness at pagkakaroon ng safe spaces para sa kabataan.
Ayon naman kay Mikha, na-touch siya sa naging mensahe ng mga senador para sa kanila.
“I’m so grateful and we’re so grateful to be recognized. The fact na na-mention po nila ‘yung privacy and they offered a prayer for us, it was a touching moment,” saad niya.
Sabi ni Maloi Ricalde, nais nilang mas mabigyan pa ng oportunidad ang mga Filipino artist.
“Sobrang swerte namin kasi meron kaming means ma-put into reality yung mga creative juices namin,” saad niya.
Diin pa niya, “Pero I believe na hindi lang siya dapat na-aapply sa amin. I believe na dapat ma-share ito to all of the artists, hindi lang mga OPM artists kundi pati lahat ng mga creatives out there na walang means, walang outlet, walang platform for it.”
Pagmamalaki pa ni Gwen Apuli: “Naniniwala po kaming lahat na malaki ang potential ng mga Pilipino artists, ang dami pang kayang ipakita, ibigay out there globally.”
Hirit naman ni Stacey Sevilleja, “Now is the time na tayong mga Pinoy talents, mga Pinoy creativity, Pinoy culture ay makilala din internationally. Kasi kung kaya ng ibang lahi, kayang-kaya rin nating makipagsabayan kaya now is the time, mag-go tayo sa global stage.”
Tiniyak din ni Sheena Catacutan na dala nila ang buong OPM community saan man sila magpunta.
“Mayroon kaming goal, mayroon kaming stand. Gusto namin, everywhere we go, we bring the whole OPM scene with us,” aniya.
Matapos ang kanilang viral at makasaysayang Coachella appearance, tuloy-tuloy na ang paglipad ng BINI sa international stage dahil sisimulan na nila ang kanilang “Signals” world tour at makikilahok din sa Summer Sonic Festival sa Japan ngayong Agosto.
The post BINI matapos kilalaning pride ng OPM sa Senado: ‘Hindi namin akalain!’ appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments