Responsive Ad

Ice Seguerra sa bagong ‘Pagdating ng Panahon’: Mas lumalim yung meaning

Ice Seguerra sa bagong 'Pagdating ng Panahon': Mas lumalim yung meaning
Ice Seguerra

MAKALIPAS ang 25 years, muling iparirinig ni Ice Seguerra ang isa sa pinakasikat at pinakaminahal na OPM love song ng mga Pilipino, ang classic hit na “Pagdating ng Panahon.”

May bago itong bersyon na mapapakinggan na sa iba’t ibang streaming platforms.

Ang reimagined version ng kanta ay kasabay ng muling pagsasanib-puwersa ni Ice at ng Vicor Music Corporation, ang original na label na nagpasikat sa nasabing awitin. 

Noong March 12, pormal nilang nilagdaan ang panibagong kasunduan kasama si Fire and Ice Music CEO Liza Diño para sa muling paglabas ng nasabing kanta.

Unang sumikat noong early 2000s, hindi lang basta kanta ang “Pagdating ng Panahon”, naging bahagi na rin ito ng buhay ng maraming Filipino. 

Mula sa kasal, proposal, hanggang sa mga panahong kailangang maghilom, hindi nawawala ang awiting ito sa mga mahahalagang sandali.

“Hindi ko naisip noon na magiging ganito kalaki ang parte ng kantang ito sa buhay ng mga tao. Ang dami kong narinig na kwento—mula sa kasal, proposal, hanggang sa mga healing moment ng mga Filipino,” ani Ice.

Dagdag pa ng OPM icon, iba na rin ang pakiramdam niya sa pagkanta nito ngayon, “Habang tumatagal, mas lumalalim ‘yung meaning ng kanta. Noon, puno ito ng pag-asa. Ngayon, mas ramdam ko pa lalo ‘yung bawat emosyon.”

Para naman kay Liza, hindi lang ito simpleng pagbabalik ng kanta kundi pagpapatuloy ng kwento nito, “Ang ‘Pagdating ng Panahon’ ay naging bahagi na ng buhay ng maraming Filipino. Bihira ‘yung mga kantang tumatagos sa iba’t ibang henerasyon.”

Dagdag pa niya, mahalagang muling makasama ang Vicor sa proyekto dahil ito ang naging bahagi ng simula ng kanta. 

Sa pagbabalik ng “Pagdating ng Panahon,” inaasahang muling mararamdaman ng mga tagahanga ni Ice ang parehong emosyon ngunit mas malalim at mas personal, makalipas ang 25 taon.

Nagpasalamat naman si Ice sa patuloy na suporta ng publiko, “Maraming salamat dahil hanggang ngayon, kinakanta at pinakikinggan pa rin ang kantang ito.”

Ang bagong bersyon ng “Pagdating ng Panahon” ay available na ngayon sa lahat ng major streaming platforms.

The post Ice Seguerra sa bagong ‘Pagdating ng Panahon’: Mas lumalim yung meaning appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments