Vlogger sa viral video sa gasolinahan inisyuhan ng show cause order ng LTO

BOLDYAK sa Land Transportation Office (LTO) ang vlogger sa viral video na nag-prank sa isang matandang pump attendant sa gasolinahan.
Naglabas ng official statement ang LTO nitong Lunes, April 20, matapos mapanood ang naturang video kung saan makikitang hinahabol ng matandang pump attendant ang isang umaandar na sasakyan.
Naglabas agad ng show cause order ang LTO laban sa driver, may ari ng sasakyan at content creator na magtungo sa kanilang tanggapan at ipaliwanag ang insidente.
“Hindi katanggap-tanggap na gawing biro o content ang isang sitwasyong malinaw na naglalagay sa kapwa sa panganib.
“Lalo na sa panahong nararanasan natin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, ang ganitong uri ng asal ay hindi lamang iresponsable, kundi nagpapakita rin ng kawalan ng malasakit,” ang pahayag ni LTO Assistant Sec. Markus Lacanilao.
Bukod dito, inatasan din ng LTO na isuko ng driver ang kaiyang lisensya na nakatakdang isailalim sa 90 araw suspensyon habang ang sasakyan namang ginamit na pang-prank ay nasa “alarm status” na.
“Hindi ito nakakatuwa at lalong hindi ito dapat tularan. Ang paggamit ng sasakyan ay may kaakibat na pananagutan, at pananagutan ding gamitin ito nang may paggalang sa kapuwa at sa batas,” sabi ni Lacanilao.
Mapapanood sa nasabing viral video ang paghabol ng matandang lalaki na nakasuot ng white t-shirt sa sasakyan ng naturang content creator.
Dinig na dinig sa video ang pagtawa ng vlogger habang hinahabol sila ng matanda sa ilalim ng tirik na tirik na araw.
Base sa mga comments sa social media, may nagsabing kilala raw ng vlogger ang matanda at scripted lang ang prank video.
Sey naman ng iba, ang vlogger daw ang may-ari ng gasolinahan sa video at dyino-joke lamang ang pump attendant.
Pero mas marami ang nagkomento at nananawagang dapat daw managot at maparusahan ang driver at vlogger na nag-prank sa matandang pump attendant.
The post Vlogger sa viral video sa gasolinahan inisyuhan ng show cause order ng LTO appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments