Carlo Aquino, Bela Padilla mapanakit, nagpaiyak sa ‘A Special Memory’
GRABE! As in grabe ang ipinakita, ipinaramdam at pinatunayan nina Carlo Aquino at Bela Padilla sa mga nakapanood ng reunion movie nilang “A Special Memory.”
Isa kami sa masusuwerteng nabigyan ng chance na unang masaksihan ang kanilang pelikula sa naganap na premiere night nito last Monday, March 9, sa SM Megamall Cinema 2.
In fairness, nalampasan ng “A Special Memory” ang expectation namin sa muling pagtatambal nina Carlo at Bela dahil sa totoo lang, hindi maganda ang pelikula – kundi napakaganda!
Mula simula hanggang ending, wala kang itatapong eksena – nabuo ito ni Direk Jerry Lopez Sineneng nang hindi ka makakaramdam ng pagkabagot at pagkainip.
Naisulat ng National Artist at award-winning scriptwriter na si Ricky Lee ang kuwento ng “A Special Memory” nang totoong-totoo at punumpuno ng puso.
Tama nga ang sinabi ni Ricky Lee na pak na pak at bagay na bagay ang isinulat niyang script kina Carlo at Bela na gumaganap sa kuwento bilang sina Dindo at Sandra.
Isang isang fashion designer si Sandra na pilit kinakalimutan ang heartbreak mula sa kanyang nakaraang relasyon.
Habang sinusubukan niyang muling buuin ang kanyang buhay, makikilala niya si Dindo, isang construction foreman sa kumpanya ng kanyang pamilya.
Mula sa isang simpleng koneksyon, unti-unting mabubuo ang pag-iibigan nina Sandra at Dindo at magdedesisyon silang magsama sa iisang bahay.
Ngunit, susubukin sila ng tadhana nang matuklasan ni Sandra na siya ay may early onset-Alzheimer’s disease. Dahil sa takot na maging pabigat, lalayo si Sandra at ipapasok ang sarili sa isang nursing home.
Nasaktan man sa naging desisyon ni Sandra ay igagalang ito ni Dindo. Mananatiling matatag ang pag-ibig niya para sa minamahal.
Bibisitahin niya si Sandra at paulit-ulit na ipakikilala ang sarili sa pag-asang kahit saglit ay muli siya nitong maaalala.
Mula sa kanilang unang pagsasama sa “Meet Me in St. Gallen” (2018), ibang-ibang Carlo at Bela na naman ang mapapanood ng madlang pipol sa “A Special Memory”.
Para sa amin, ito na ang pinakamagandang pelikulang nagawa nina Carlo at Bela sa nakalipas na ilang taon kaya hindi na kami magtataka kung humakot sila ng tropeo sa next awards season.
Nabigyan ng hustisya at naitawid ni Bela nang bonggang-bongga ang kanyang role bilang isang babaeng may early onset-Alzheimer’s disease.
Mararamdaman mo talaga ang hirap na pinagdaraanan niya habang unti-unting nawawala ang kanyang mga alaala sa piling ng kanyang pinakamamahal.
Nakakaloka naman si Carlo dahil halos kalahati yata ng movie ay wala siyang ginawa kundi umiyak at hindi mo namamalayan na nakikiiyak ka na rin sa kanya.
Hindi na namin sasabihin kung ano ang ending ng movie para walang spoiler. Pero sa bandang huli ng pelikula ay malalaman n’yo kung bakit “A Special Memory” ang title nito.
Makakasama rin nina Bela at Carlo sa movie sina Lotlot de Leon, Joel Torre, Yayo Aguila, Jaime Fabregas, Phoebe Walker, at Paolo Gumabao.
Showing na sa mga sinehan ang “A Special Memory” sa buong bansa simula ngayong March 11.
Promise mga ka-BANDERA, sulit na sulit ang ibabayad n’yo sa sinehan kapag pinanood n’yo ang pelikula mula sa Viva Films.
The post Carlo Aquino, Bela Padilla mapanakit, nagpaiyak sa ‘A Special Memory’ appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments