Ashtine Olviga magsosolo muna, pangmalakasan na sa ‘Viva One Originals’
BONGGANG-BONGGA talaga ang career ngayon ng Viva Artist Agency (VAA) star at ka-loveteam ni Andres Muhlach na si Ashtine Olviga.
Sa kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon na ng napakalaking solo project si Ashtine under Viva Entertainment kung saan muli niyang ipakikita ang kanyang versatility as an actress.
Bibida ang dalaga sa kanyang sariling anthology series, ang “Viva One Originals: Ashtine” kung saan iba’t ibang karakter ang gagampanan niya every episode.
Aminado si Ashtine na nagkaroon siya ng doubt nu’ng unang sabihin sa kanya ang tungkol sa naturang proyekto.
“Wow, kaya ko ba gawin ‘to? Hindi, kaya ko gawin ‘yan!” ang sey ng aktres nang makausap ang Viva Entertainment executive na si Vic del Rosario, Jr..
“Noong nalaman ko, first time ko pong marinig ‘yan kay Boss Vic, sinabi niya sa akin na, ‘Oh, bibigyan kita ng anthology.’ Ganyan. Mas maipapakita mo dito ‘yung acting skills mo kasi iba-iba ‘yung genres,’” ang sey pa ng dalaga.
Mula sa malaking tagumpay ng “Ang Mutya ng Section E” season 1 at 2, at sa kanyang big-screen breakthrough sa “Minamahal” with Andres, patuloy pa nga ang pag-angat ng tinaguriang “The Nation’s Mutya” bilang isa sa mga pinakahinahangaang bituin ng kanyang henerasyon.
Ngayon, mas lalong pabibilibin ng dalaga ang mga manonood sa “Viva One Originals: Ashtine” kung saan ang unang episode ay mapapanood na sa March 13.
Ang “Viva One Originals” ay ang pinakabagong anthology series ng Viva One tampok ang brightest stars ng industriya na magbibigay-buhay sa iba’t ibang kwento at karakter.
Sa pagbubukas ng serye, si Ashtine ang kauna-unahang bituin na bibida sa isang “Viva One Originals” anthology. “Ang Viva One Originals: Ashtine” ay may apat na original stories sa apat na pangmalakasang genre, na pagbibidahan ng phenomenal star.
Sa unang episode na ipalalabas sa March 13, sasabak si Ashtine sa comedy sa “Who’s the Boss?” bilang isang masigasig na assistant.
Sa direksyon ni RC delos Reyes, makakasama ni Ashtine ang comedy icon na si Rufa Mae Quinto na gaganap bilang isang istrikto at mataray na CEO.
Dahil sa isang sumpa, magpapalit ang kanilang katawan. Masusubukan sila na patakbuhin ang kumpanya habang itinatago ang kanilang lihim.
Bukod sa mga nakakatawang eksena, maraming matututunan sa episode kagaya ng empathy, self-discovery, at ang tunay na halaga ng kapangyarihan—mga aral na tatatak sa puso ng mga manonood.
Sa March 20 naman mapapanood ang romantic episode na “My Melody” directed by Fifth Solomon, gagampanan ni Ashtine si Melody, isang fangirl ng Korean artist na si Chanwoo (Lee Dae Won).
Mayroon siyang matalik na kaibigan na si George, isang struggling musician na may lihim na pagtingin sa kanya, na ginagampanan ni Rob Deniel sa kanyang unang major acting role.
Nang lumipat sa Pilipinas si Chanwoo, pagtatagpuin ng tadhana ang kanilang mga landas. Sino ang tunay na mananalo sa puso ni Melody: ang kaibigang matagal nang nagmamahal sa kanya, o ang sikat na idolo na biglang dumating sa kanyang buhay?
Sa “Balik-Eskwela”, na hango sa viral horror concept mula sa Book of Bad Ideas sa TikTok, haharap si Ashtine sa isang intense na role bilang Moana Marie, isang estudyante na ang unang araw sa paaralan ay mauuwi sa kababalaghan matapos madiskubre ang isang nakakakilabot na katotohanan tungkol sa kanyang sarili.
Habang nasa pagitan ng mundo ng mga buhay at patay, kailangan hanapin ni Moana ang katotohanan at hustisya para mailigtas ang mga inosenteng buhay.
Sa direksyon ni Roni S. Benaid, at kasama sina Marco Gumabao at Sara Joe, abangan ang isang kwentong puno ng misteryo at tensyon na hindi mo dapat palampasin sa March 27.
Kukumpleto sa anthology ang family drama na ‘Bahay-Bahayan’ mula kay Joy Aquino, na mapapanood sa April 4, at magtatampok kay Ashtine kasama ang award-winning Optimum Star na si Claudine Barretto.
Si Ashtine ay si Blessie, isang independent na dalaga na pinalaki ng kanyang lola habang nagtatrabaho abroad ang kanyang ina, na ginagampanan ni Claudine.
Nang umuwi ang kanyang ina, haharapin nila ang hamon na muling buuin ang kanilang relasyon. Habang sinusubukan nilang ayusin ang kanilang samahan, lalabas ang isang masakit na katotohanan na maaaring maging susi para tuluyang maghilom o tuluyang masira ang kanilang relasyon.
Sa bawat episode, ipapakita ni Ashtine ang isang panibagong yugto bilang isang aktres—versatile, confident, at handa sa anumang kwento.
Kahanga-hanga ang naging paglalakbay ni Ashtine: mula sa pagsali sa 2016 talent search na Born to Be A Star at pagiging miyembro ng P-pop groups, hanggang sa pagkakaroon ng supporting roles at breakthrough performances sa TV at pelikula—kabilang ang kanyang pagganap sa Manila’s Finest, na nagbigay sa kanya ng Best Supporting Actress nomination sa MMFF.
Mula sa kanyang simpleng pagsisimula hanggang sa kanyang star-making roles, napatunayan ni Ashtine na siya ay isang versatile at powerful performer.
At ngayon, mas marami pang dapat abangan sa kanya na lalong magpapakita ng kanyang natatanging talento.
Humanda nang masaksihan ang isang naiibang Ashtine Olviga sa “Viva One Originals: Ashtine.” Mapapanood na simula March 13, na may bagong episode bawat linggo.
The post Ashtine Olviga magsosolo muna, pangmalakasan na sa ‘Viva One Originals’ appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments