Responsive Ad

Sid Lucero, Bea Binene mananakot sa psychological-horror na ‘Posthouse’

Sid Lucero, Bea Binene mananakot sa psychological-horror na 'Posthouse'
Sid Lucero, Bea Binene, Mikhail Red at Nikolas Red

TRAILER pa lang ay pak na pak na ang pinakabagong horror movie ng Viva Films at Evolve Studios na “Posthouse” starring Sid Lucero and Bea Binene.

Mukhang kakaibang katatakutan na naman ito tungkol sa isang isinumpang pelikula; isang pamilyang binabagabag ng nakaraan; at isang halimaw na ayaw manahimik.

Ang “Posthouse” ay isang psychological horror film na kauna-unahang full-length directorial project ni Nikolas Red, sa pakikipagtulungan ng kanyang kapatid na si Mikhail Red (ang direktor ng Deleter at Lilim) — bilang creative producer. 

Iikot ang kuwento nito sa isang lumang pelikula na magiging mitsa para mapalaya ang isang mapanganib na pwersang matagal nang nakakabit sa isang madilim na nakaraan. 

Magsisimula ang mga shocking revelations dahil sa mga madidiskubre ni Cyril (Sid), isang film editor na nagtatrabaho sa lumang post-production facility na itinayo ng kanyang amang si Edd. 

Si Cyril ay patuloy pa ring ginugulo ng kanyang childhood trauma—mula sa hindi pa nalulutas na pagpatay sa kanyang inang si Judy, hanggang sa kababalaghang bumabalot dito. 

Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makalaya sa bigat ng sariling pinagdadaanan at magulong buhay-pamilya. 

Sa kabila ng magulo niyang mundo, nagsisilbing sandigan ni Cyril ang kanyang trabaho at ang pagpapalaki sa kanyang anak na si Rea (Bea), isang masipag na film student. 

Kahit magkasama sa trabaho, malayo ang loob nila sa isa’t isa dahil sa kanilang kumplikadong relasyon. Magbabago ang lahat sa pagdating ng isang package ng film reels na magtutulak sa kanila sa isang proyekto: ang pag-restore ng silent film na “Ang Manananggal.”

Ngunit ang inaakala nilang simpleng pag-aayos ng pelikula ay mauuwi sa pagbabalik ng isang bangungot mula sa nakaraan. 

Habang nire-restore ang lumang reels sa isang Moviola machine, madidiskubre nina Cyril at Rea na may nawawalang mahalagang bahagi ng pelikula. 

Kasabay nito, magsisimula rin ang mga kakaibang pangyayari sa posthouse—may mga nakakagambalang anyo na nagpapakita, biglang nawawala at lumilitaw ang mga reel, at isa-isang namamatay ang mga tao sa paligid nila. 

Mapipilitan si Cyril na harapin ang isang nilalang na matagal na niyang pinipilit kalimutan—isang halimaw na minsan na niyang nakaharap. 

Mahahanap ba nila ang nawawalang reel, at kasama nito, ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Judy bago sila tuluyang mabiktima ng sumpa? 

Sa “Posthouse,” hindi lang nila lalabanan ang isang mapanganib na nilalang, kundi pati na rin ang mga halimaw na matagal nang nananahan sa kanilang kalooban.

Ang “Posthouse” ay isang bagong hakbang para kay Nikolas Red, na unang nakilala bilang editor at manunulat. Kabilang sa kanyang mga proyekto ang Deleter (2022), kung saan ginawaran siya ng Best Editing sa Metro Manila Film Festival, at Eerie (2018), isang box-office horror hit. 

Siya rin ang co-writer ng “Dead Kids” (2019), ang kauna-unahang Filipino Netflix original film, habang ang kanyang short film na Putol (2021) ay ipinalabas sa International Silent Film Festival Manila. 

Sa kanyang kauna-unahang full-length feature na “Posthouse,” dala ni Nikolas ang malawak na karanasan sa editing at malalim na pag-unawa sa genre ng horror. 

Makakasama nina Sid at Bea sa pelikula sina Ryza Cenon, Rafa Siguion Reyna at Andrea del Rosario. 

Mapapanood na sa mga sinehan nationwide ang “Posthouse” simula sa darating na August 20. 

The post Sid Lucero, Bea Binene mananakot sa psychological-horror na ‘Posthouse’ appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments