Saksi sa pagkawala ni Catherine Camilon biglang umatras sa pagtestigo

IKINALUNGKOT ng pamilya ng teacher at beauty queen na si Catherine Camilon ang pag-atras ng kaibigan nito bilang pangunahing saksi sa umano’y pagkidnap sa kanilang kaanak.
Tumanggi nang tumestigo ang naturang personalidad sa kasong kidnapping and serious illegal detention na isinampa laban sa pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon, ang dating police major na si Allan de Castro.
Matatandaang noong October 12, 2023 nang mapaulat na nawawala ang Grade 9 teacher at naging kandidata sa Miss Grand Philippines 2023.
Hindi sumipot ang naturang witness sa naganap na hearing ng kaso kamakailan. Ito raw ang nakakaalam ng mga naging kaganapan bago mawala ang beauty queen noong October, 2023.
Pero sa ipinadalang sulat ng kaibigan ni Camilon sa Batangas Regional Trial Court, ang ginawa nitong pag-atras bilang saksi sa kasi ay dahil sa kanyang seguridad pati na ng kanyang pamilya.
Pahayag ng nanay ni Catherine na si Rose Camilon sa isang panayam, “Sabi po ng sulat, kailangan niya protektahan yung kanyang pamilya, yung sarili niya, para sa kanilang kaligtasan.”
Dagdag pa nito, “Nandoon ho lagi yung pag-asa namin sa kanya…ang alaala namin, tuluy-tuloy na matutulungan. Sobrang sakit ang naramdaman dahil wala siyang ginawa para tulungan kami. Sobra, sobrang sakit.”
Kasunod nito, umapela muli si Rose sa iba pang tao na may nalalaman tungkol sa nangyari sa anak na makipagtulungan sa otoridad para matukoy na kung nasaan na ngayon si Catherine.
“Lagi kong hinihiling sa kanila, magkaroon ng kalinawan, makalutas ang kaso naming ito para malaman namin kung nasaan po ang aming anak, kung ano ho ba talaga ang nangyari sa kanya.
“Nanghihingi po ako ng tulong. Kanino man po, tulungan kami na magkaroon ng sagot sa lahat ng aming tanong,” aniya pa.
Samantala, base naman sa ulat ng GMA, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na nag-aalala ngayon ang saksi sa seguridad ng kanyang buhay.
“We received information na medyo apprehensive na yung kaibigan ng nawawala na si Ms. Camilon because natakot siya para sa security and safety niya,” ani Fajardo.
Pero nangako siya sa kaibigan ni Catherine, “Huwag siyang magdalawang-isip dahil ang intensiyon naman natin ay bigyan ng hustisya itong pagkawala ng kanyang kaibigan kasi critical yung kanyang magiging participation sa kaso na ito.”
The post Saksi sa pagkawala ni Catherine Camilon biglang umatras sa pagtestigo appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments