Eugene Domingo abangers na magkamali si Lea: Perfect, e! Nakakainis!

MARAMING nadiskubre si Eugene Domingo sa ugali at personalidad ng Broadway Diva at international singer na si Lea Salonga.
Nabigyan ng chance si Uge na makatrabaho si Lea sa pagtatanghal sa Pilipinas ng “Into The Woods” musical ni Stephen Sondheim mula sa Theater Group Asia.
Si Eugene ang gumaganap na nanay ni Jack sa play habang nagbabalik naman si Lea as The Witch. Dito raw napatunayan ng komedyana na ibang klase talagang aktres at performer si Lea.
“My Santa Lea! Santa Lea ang tawag ko sa kanya kasi siya na talaga ‘yung kinapitan ko. Lea Salonga! Siguro nakikita n’yo lang siya, parang idol, idol. Grabe ang pagkatao niya,” ang pahayag ni Uge patungkol sa Tony-award winning actress sa presscon ng kanilang play.
Patuloy pa niya, “Yung parang, wala akong time ma-starstruck kay Lea kasi may sakit ako. Lalayo na lang ako. Kasi nalilito ako.. Mai-starstruck ba ako? Uupo ba ako? Ano ba gagawin ko?
“Kasi lagi siyang handa, lagi siyang perfect. Hindi siya nagkakamali. Hinihintay ko siyang magkamali eh, para mapuna ko na, ‘Ay, nagkamali ka!’ Ha-hahaha!
“Ito na, sabi ko, ‘Oh my God, nasintunado siya. Sure ako nasintunado siya.’ Pagtingin ko, umiiyak pala. Sabi niya, ‘Sorry, this is very sensitive to me.’ Kaya pala medyo naiba ‘yung tono, naiyak pala. Perfect talaga eh! Nakakainis!” natatawa pa ring chika ni Eugene.
“So dahil sinabi ko na sa inyo na naiyak siya, marami sa mga scenes na ginagawa namin or nasa scenes ni Witch, ang sobrang tatama talaga sa puso ng manonood,” ang sey pa ng komedyana about Lea’s character.
Paglalarawan pa niya sa Broadway star kapag wala sa harap ng audience, “Isa siyang tao. Isa siyang tao na nagsasalita rin ng hindi magandang words. Kadalasan, isa siyang tao na ma-Marites din.
“Yes, totoo ‘yun. Yes, tao lang din siya. Nagkataon lang na biniyayaan tayo ng isang Pilipina na kaya mong itapat sa buong mundo pagdating sa galing. Siya ‘yun,” rebelasyon pa ni Uge tungkol kay Lea.
Ikinumpara rin niya ang international singer sa American Broadway star na si Bernadette Peters, na unang gumanap na Witch sa original 1987 production ng “Into The Woods.”
“Kung alam n’yo ‘yung ‘Into the Woods’, know na hindi ito mababa na play or something. Tatama talaga ito sa puso ninyo and it’s very well delivered by Lea Salonga. Mas magaling pa siya kay Bernadette Peters.
“Hindi kami magkakilala ni Bernadette Peters kaya okay lang. Ha-hahaha! Si Bernadette Sembrano lang kilala ko eh,” birong pahayag ni Uge.
The post Eugene Domingo abangers na magkamali si Lea: Perfect, e! Nakakainis! appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments