Responsive Ad

Aegis ‘di bubuwagin: Ito ang gusto ni Mercy kahit ugod-ugod na!

Aegis: Tuloy pa rin kami, 'yun ang gusto ni Mercy kahit ugod-ugod na

Mercy Sunot, Juliet Sunot, Ken Sunot at iba pang miyembro ng Aegis

SIGURADONG magiging makasaysayan at maraming masesenti sa pre-Valentine concert ng Aegis Band sa darating na February 1 and 2, 2025.

Ito kasi ang unang pagkakataon na magkakaroon sila ng major concert na wala ang kabanda at kapatid nilang si Mercy Sunot na pumanaw noong November sa edad na 48 dahil sa lung at breast cancer.

May titulong “Halik Sa Ulan”, magaganap ito sa New Frontier Theater kung saan makakasama rin ng Aegis ang naglalakihang OPM artists bilang special guests tulad nina Ogie Alcasid, Morissette, Jona, Julie Anne San Jose at marami pang iba.

Sa pagharap ng magkapatid na Julie at Ken Sunot sa media kamakailan kasama ang ilan pang miyembro ng Aegis, hindi nila napigilan ang maluha habang nagkukuwento tungkol sa mga alaala nila noong nabubuhay pa si Mercy.

Baka Bet Mo: Mercy Sunot malungkot na nag-birthday bago pumanaw: Mag-isa lang ako…

Kuwento ng mga biriterang singer, March, 2024 pa ang huli nilang concert na magkakasama at hindi nila akalain na ‘yun na pala ang huling pagkakataon na kumpleto sila sa entablado.

Ayon kay Julie, wala raw silang natatandaang premonition na magpapaalam na ang kanilang kapatid.

“Dito lang po namin maalis ‘yung mga ano namin, ‘yung lungkot po talaga pero ngayon talagang kailangan po namin, gusto namin matuloy ang concert na ito kahit wala po si Mercy.


“Kasi para rin po sa kanya, na alam ko na pangarap niya ‘to eh, pangarap niya na mag-concert pa rin nu’ng bago siya naoperahan.

“Sabi niya gusto na niyang umuwi, gusto niyang sumama sa concert na ito pero wala eh, talagang umalis na talaga siya sa amin at kailangan magpatuloy po,” pahayag ni Julie habang nagpupunas ng luha.

Siniguro rin nila na hindi mabubuwag ang kanilang grupo. “Nandito pa rin po kami, kasi ‘yun ang gusto ni Mercy. Tuloy pa rin po ‘yung Aegis kahit na ugod-ugod na kami.

“Siya po ang nagsabi sa grupo na wala pong iwanan pero siya po ang nang-iwan sa amin,” ang naluluha pa ring pahayag ni Julie.

Dagdag pa ng maituturing na ring OPM icon, “Ang gusto talaga namin talagang gumaling lang talaga siya pero talagang umalis na talaga siya sa amin.”

“Kailangan namin talagang magpatuloy kaya mas gagalingan po namin para kay Mercy,” aniya pa.

Inamin din ni Julie na napakahirap talaga ng pinagdaanan nila bilang banda lalo na nu’ng nasa Amerika si Mercy.

“Before po talaga, malungkot talaga kasi nga may sakit si Mercy hindi pa po alam ng lahat na nandun siya sa US nagpapagaling po siya, nag-treatment po siya. So hirap po kami talaga, lalo na sa amin kasi kapatid po namin, naiiyak po talaga kami pero pinipilit namin.

“Halos hindi na po kami nakakanta kasi talagang ‘yung mga tao na lang po ang kumakanta ng kanta niya,” sabi pa ni Julie na ang tinutukoy ay yung araw na may show sila na wala si Mercy.

Siguradong kakantahin ng Aegis sa concert ang mga pinasikat nilang kanta tulad ng “Basang-basa sa Ulan”, “Luha”, “Sayang na Sayang”, “Halik” at marami pang iba.

Ang iba pang miyembro ng grupo ay sina Rey Abenoja, Stella Pabico, Rowena Adriano at Vilma Goloviogo.

Ang “Halik Sa Ulan” ay mula sa direksyon ni Frank Lloyd Mamaril. Available pa rin ang tickets sa Ticketnet.

The post Aegis ‘di bubuwagin: Ito ang gusto ni Mercy kahit ugod-ugod na! appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments