Responsive Ad

John Arcilla nilalapitan ng fans para magpa-picture, magpamura ng ‘p*nyeta’ 

John Arcilla nilalapitan ng fans para magpa-picture, magpamura ng 'p*nyeta' 
John Arcilla

PROUD na proud pa rin ang award-winning actor na si John Arcilla sa natanggap niyang Movie Icon award sa nakaraang The 9th EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).

Para sa kanya, isang napakalaking karangalan na mabigyan ng naturang pagkilala kasabay ng iba pang iconic Filipino celebrities sa Philippine movie industry.

Sa Star Magic Spotlight Presscon recently, nabanggit ni John na isa sa pinakamahalagang tropeo na natanggap niya sa buong showbiz career niya ay ang ibinigay sa kanya ng The EDDYS.

Patunay daw kasi ito kung gaano kahalaga sa industriya at mga kasamahan niya sa showbusiness ang mga naiambag niya bilang alagad ng sining.

Ibinahagi ng premyadong veteran actor sa pagharap niya sa ilang piling miyembro ng media ang kanyang naging journey sa mahigit ilang dekada sa industriya.

Kabilang na nga riyan ang kanyang pananaw sa pag-arte at storytelling, pati na rin ang kanyang mga bagong proyekto sa musika at pelikula.

Ayon kay John, ang pag-arte ay hindi lamang tungkol sa pagganap ng isang karakter, kundi may kaakibat ding responsibilidad sa sining at sa mga manonood.

Baka Bet Mo: John Arcilla sa kanta niyang ‘Ano Ba Yan P*nyeta’: Sa totoo lang natatakot ako

“Acting is not just a commitment towards you character, and to your co-actors, it is also responsibility to your audience,” aniya.

Hinikayat din niya ang mga aspiring actors na patuloy na matuto hindi lamang sa loob ng classroom o acting workshops, kundi maging sa mga karanasan sa buhay.

“The biggest university in acting is this life,” ani John kasabay ng pagsasabing ang pag-unawa sa pagiging “tao” ng bawat karakter ang nagbibigay ng mas makatotohanan at makabuluhang kuwento.

Binalikan din niya ang “Heneral Luna,” ang pelikulang naging malaking turning point sa kanyang karera. 

Mahigit isang dekada matapos itong ipalabas sa mga sinehan, sinabi ni John na marami pa rin ang tumatawag sa kanya bilang “Heneral,” lalo na ang mga kabataang nakapanood ng pelikula sa paaralan o kasama ang kanilang pamilya.

Natatawang kuwento pa ng aktor, may mga pagkakataon pa raw na may mga lumalapit sa kanya, kabilang na ang mga estudyante hindi lang para magpa-picture kundi gusto rin daw “magpamura” sa kanya ng “p*nyeta” na nagmarka sa mga nanood ng “Heneral Luna.”

“Sir John, Sir John! Murahin mo naman ako!’ Yung ganu’n. Hindi ko alam kung…du’n ako nagdadalawang-isip!” ang natatawang kuwento ng aktor.

Bukod sa pag-arte, ibinahagi rin niya ang kanyang pagbabalik sa musika sa pamamagitan ng kanyang debut Star Music single na “Ano Ba ‘Yan, P*nyeta.” 

Ayon sa kanya, bagama’t hango ang pamagat sa isa sa kanyang pinakatanyag na linya sa pelikulang “Heneral Luna”, ang kanta ay isang social commentary na naghihikayat sa bawat isa na suriin ang sariling papel sa lipunan.

“Hindi isa lang ang may kasalanan o dalawa o tatlo. Tayong lahat, ina-allow nating mangyari o tayong lahat, may kanya-kanya tayong dapat ayusin sa sarili natin, sa puso natin, at sa ating isip,” paalala niya sa mga kapwa Pilipino.

Ibinunyag din ng beteranong aktor na kasalukuyan niyang inihahanda ang kanyang kauna-unahang album, na maglalaman ng mga theme song mula sa ilan sa kanyang mga teleserye gaya ng “Dirty Linen”, “Pamilya Sagrado”, at “The Alibi,” kasama ang ilan pa niyang original compositions.

Dapat ding abangan ng madlang pipol ang kanyang mga susunod na proyekto, kabilang ang pelikulang “Beast'” ni Lawrence Fajardo, ang “Happy Birthday to Me” na ipalalabas ngayong Agosto, ang Metro Manila Film Festival entry niyang “Haunted Carnival”, at ang nalalapit na pagtatapos ng “The Alibi.” 

Hinikayat din niya ang lahat na pakinggan ang kanyang debut single na “Ano Ba ‘Yan, P*nyeta” sa iba’t ibang digital music streaming platforms.

The post John Arcilla nilalapitan ng fans para magpa-picture, magpamura ng ‘p*nyeta’  appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments