Akbayan binengga ‘system loss’ sa SONA ni PBBM, Kongreso hinamon

AGAD binasag ng Akbayan Party-list ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. tungkol sa pagpapatanggal ng system loss sa bill ng kuryente.
Isa sa pinalakpakan at binigyan ng standing ovation sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng presidente kahapon, July 27, ay ang utos nitong alisin na ang system loss sa electric bills na ipinapasa sa mga konsyumer.
Nanawagan ang pangulo na isulong na ang “Sariling Kuryente Act” para pababain ang presyo ng kuryente sa bansa na patuloy na nagpapahirap sa bawat pamilyang Pinoy.
“Panahon na para tanggalin na natin ang system loss na pinapasa sa konsumer at kinakarga sa bill, na pinapatungan pa ng value added tax.
“Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng systems loss.
“Kaya hindi naman tama na kailangan sila pa ang pagbabayarin dito,” ani PBBM.
Baka Bet Mo: PBBM palalawakin tax exemption sa middle class, maliliit na negosyo
Patuloy pa niya, “Therefore, we the people, we request, no we demand for the immediate amendment of the Epira Law and to prohibit charges systems loss to consumers including the value added tax thereon.”
Ayon naman sa Akbayan, hindi naman daw ito kusang-loob na regalo ng gobyerno sa mga Pilipino.
“Ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kayang ikalimang SONA na dapat nang alisin ang systems loss sa Meralco bills ay hindi kusang loob na biyaya ng pamahalaan,” ang nakasaad sa social media ng nasabing party-list.
“Ito ay bunga ng matagal at matatag na laban ng mamamayan sa hindi makatarungan at pabigat na singil sa kuryente.
“Ito ay inisyal na tagumpay ng mamamayan, hindi regalo ng pamahalaan,” dagdag pa ng Akbayan.
Pagpapatuloy pa ng grupo, “Ngunit hindi sapat ang pahayag lamang. Ang pag-aalis ng systems loss, kasama ng iba pang dagdag at hindi malinaw na bayarin sa electricity bills, ay nangangailangan ng Congressional action.
“Kaya’t hinahamon ng Akbayan ang Kongreso. Bigyan ng laman ang pangako ng Pangulo.
“Isabatas ang pag-aalis ng systems loss at iba pang hindi makatarungang singilin, upang ang ginhawang ipinangako ay maging tunay na ginhawang mararamdaman ng bawat Pilipino,” ang mensahe pa ng Akbayan.
The post Akbayan binengga ‘system loss’ sa SONA ni PBBM, Kongreso hinamon appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments