Shuvee Etrata, Jo Berry pak na pak bardagulan dahil kay Dingdong Dantes

PATULOY na namamayagpag sa primetime block ang “The Master Cutter” na pinagbibidahan ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
In fairness, aliw na aliw at tuwang-tuwa ang mga manonood sa mga pasabog na plot twist at emosyonal na tagpo sa kuwento.
Pak na pak sa mga manonood ang “bardagulan” nina Jo Berry at Shuvee Etrata, lalo na kapag nag-aagawan sila sa atensiyon ni Dingdong.
Mula nang ipalabas ang “The Master Cutter” naakit na ng serye ang mga manonood sa mundo ni Atoy Padua (Dingdong), isang mahusay na Scout Ranger na piniling mamuhay nang tahimik bilang isang mananahi habang lihim na nagtatrabaho bilang tracker-for-hire.
Sa mga nakaraang episode, natuklasan ni Atoy na hindi marunong magbasa si Ibyang (Sienna Stevens).
Dahil dito, nagpasya siyang maging gabay at ilaw na matagal nang kailangan ni Ibyang. Ayon kay Ame (Jo Berry), lumaki si Ibyang sa isang ampunan at hindi kailanman nabigyan ng pagkakataong makapag-aral nang maayos.
Maaari kaya itong maging simula upang maging ama o father figure si Atoy para kay Ibyang na matagal nang hinahanap nito?
Hindi lamang sa harap ng kamera makikita ang espesyal na koneksyon ng dalawang karakter.
Naibahagi rin noon ni Dingdong na hanga siya sa dedikasyon at sipag ni Sienna, na nakatrabaho na niya simula pa sa “Royal Blood.”
“Mula kay Lizzy hanggang kay Ibyang, naging pribilehiyo ko na masaksihan ang kanyang paglago, hindi lamang bilang isang kabataan kundi bilang isang artista.
“Sa bawat proyekto, kitang-kita ko kung paano siya naging mas kumpiyansa, mas natural, at mas kahanga-hanga sa kanyang sining,” ani Dingdong.
Samantala, habang lalong lumalalim ang kuwento ng “The Master Cutter”, nakilala na si Atoy bilang isang mahusay na manghuhuli ng tao at tracker-for-hire sa Tabang Lupa.
Sa kanyang susunod na misyon, inatasan siyang hanapin si Queenie (Hannah Arguelles), ang pamangkin ni Father Peping.
Lahat ng bakas ay tumuturo kay Raki (Pio Balbuena), ang bokalista ng isang sikat na punk rock band, na nakilala ni Queenie sa pamamagitan ng isang online dating app.
Habang iniimbestigahan ang kaso, natuklasan ni Atoy na ang tunay na pangalan ni Elaine (Max Collins) ay Audrey.
Magkakaroon kaya ng pangalawang pagkakataon sina Atoy at Elaine kahit may mga lihim silang pagkakakilanlan na maaaring maging hadlang sa kanilang relasyon?
Bukod dito, mapapahamak naman ang mga karakter nina Shuvee at Jo dahil kay Mark Herras kaya kailangang umaksyon agad si Atoy.
Mapapanood ang “The Master Cutter” tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng gabi sa GMA Prime at online sa pamamagitan ng Kapuso Stream at GMA Play.
The post Shuvee Etrata, Jo Berry pak na pak bardagulan dahil kay Dingdong Dantes appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments