Responsive Ad

Bam Aquino, anak na si Rory nag-Father’s Day sa BINI concert

Bam Aquino, anak na si Rory nag-Father's Day sa BINI concert
Bam Aquino, Rory Aquino at BINI

IPINAGDIWANG ni Sen. Bam Aquino ang Father’s Day kasama ang kanyang anak na si Rory at mga kaibigan nito.

Sinamahan ng senador ang mga ito sa “Signals World Tour 2026” concert ng Nation’s Girl Group na BINI noong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang Mall of Asia Arena leg ay nagsilbing kickoff ng inaabangang world tour ng BINI matapos ang kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival.

Sila ang kauna-unahang all-Filipino group na nagtanghal sa kilalang music festival sa Indio, California.

Sa isang meet-and-greet kasama ang BINI, inabutan ni Rory ang grupo ng tig-isang Kodak Charmera, isang digital toy camera na kasinlaki ng keychain at ibinebenta sa mga surprise blind box, na maaari nilang gamitin upang makuha ang mga hindi malilimutang sandali sa kanilang world tour.

Sa isang Facebook post, pinuri ni Sen. Bam ang BINI bilang inspirasyon at pinagmumulan ng saya para sa kabataang Pilipino, kabilang ang kanyang mga anak na sina Rory at Coco, na kapwa certified BLOOMs.

“Salamat, BINI sa inspirasyon at saya na ibinibigay ninyo sa napakaraming kabataang Pilipino. Kasama na riyan sina Rory at Coco,” ang mensahe ni Sen. Bam, na dumalo sa konsiyerto kasama ang kanyang asawang si Timi.

Nagpahayag din ni Sen. Bam na maging matagumpay na world tour ng Nation’s Girl Group, na magtutungo sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos, Canada, Netherlands, Italya, Pransiya, United Kingdom, Singapore, Taiwan, Australia, at New Zealand pagkatapos ng kanilang concert sa Cebu sa Hulyo 11.

“Hangad ko ang inyong tagumpay sa inyong world tour. Patuloy niyong ipagmalaki at ipakita ang galing at talento ng Pilipino sa buong mundo,” aniya.

Ang BINI ay binubuo nina Maraiah Queen Arceta (Aiah), Ma. Nicolette Vergara (Colet), Mary Loi Yves Ricalde (Maloi), Gweneth Apuli (Gwen), Lindtsey Stacey Aubrey Sevilleja (Stacey), Mikhaela Janna Lim (Mikha), Jhoanna Christine Robles (Jhoanna), at Sheena Mae Catacutan (Sheena).

Naghain si Sen. Bam ng Senate Resolution No. 370 upang parangalan ang BINI para sa kanilang pagtatanghal sa Coachella, at pinuri ang grupo sa pagdadala ng karangalan at pagmamalaki sa bansa at sa pagpapakita ng talento at sining ng Pilipino sa pandaigdigang entablado.

Sinusuportahan din niya ang plano ng Department of Tourism (DOT) na gawing tourism ambassadors ang BINI, at iginiit na malaki ang papel ng mga artistang Pilipino sa pagpapalaganap ng kultura, pagkamalikhain, at pagkakakilanlan ng bansa sa buong mundo.

Ayon sa senador, makatutulong ang mga grupong tulad ng BINI upang maipakita sa mundo ang pinakamahuhusay na aspeto ng Pilipinas sa pamamagitan ng musika at entertainment, habang nagbibigay-inspirasyon sa kabataang Pilipino.

“Naniniwala ako na malaking inspirasyon ang BINI sa kabataang Pilipino at magandang pagkakataon din ito para maipakita hindi lang ang talento ng Pilipino, kundi pati ang kultura, creativity, init ng pagtanggap ng mga Pinoy, at ganda ng ating bansa,” sabi ni Sen. Bam.

Bilang kilalang tagasuporta ng talento ng Pilipino, nakipagtulungan si Sen. Bam sa mga lokal na artista upang itampok ang pagkamalikhain at kakayahan ng mga Pilipino noong mga kampanya sa halalan noong 2022 at 2025. 

Muli rin niyang ipinagdiwang ang lakas ng musikang Pilipino sa People Power 40 Kick-Off Concert sa Quezon Memorial Circle.

The post Bam Aquino, anak na si Rory nag-Father’s Day sa BINI concert appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments