Responsive Ad

Jerald Napoles pang-best actor sa ‘Love, Ngo’; Malupiton agaw-eksena! 

Jerald Napoles pang-best actor sa 'Love, Ngo'; Malupiton agaw-eksena! 
Jerald Napoles, Malupiton, Tata Daclan, Jobelyn Manuel at Jack Argota

NAKAKALOKA ang latest movie ng Viva Films na “Love, Ngo” na pinagbibidahan ni Jerald Napoles mula sa direksyon ni Darryl Yap.

Napanood na namin ang pelikula sa naganap na premiere night kahapon, June 2, sa Cinema 2 ng SM Megamall na dinaluhan ng halos lahat ng cast members kasama si Direk Darryl.

Hindi kami madaling matawa sa mga Pinoy comedy films, dahil karamihan sa mga napanood namin nitong mga nakararaang taon ay puro corny at pilit na pilit.

Pero dito sa “Love, Ngo” ilang beses kaming napahagalpak sa mga pak na pak na eksena ng tropa ni Jerald.

Given na ang husay at timing ng asawa ni Kim Molina sa larangan ng comedy, pero grabe ang ipinakitang akting ni Jerald sa ilang highlights ng pelikula.

In fairness, pinalakpakan ng audience ang mga paandar at pasabog na eksena ni Jerald, lalo na ang madramang eksena nila ni Gina Alajar na gumaganap na nanay niya sa kuwento.

Bukod dito, nagmarka rin ang confrontation scene ni Jerald sa mga gumaganap na kaibigan niya sa kuwento – sina Malupiton, Jack Argota, Jobelyn Manuel at Tata Daclan.

Nagkakaisa ang lahat ng mga nakausap namin after ng screening na this is the best movie so far ni Jerald at hindi na sila magtataka kung ma-nominate at manalong best actor si Jerald sa pagganap niya bilang si Ngongo.

Pero ang talagang nang-agaw ng eksena sa pelikula ay ang social media personality at vlogger na si Malupiton. Hats off kami sa galing ng timing niya sa pagbibitaw ng punchlines!

Dahil sa husay niya, hindi mo aakalaing first time niya sa isang pelikula. Kaloka! Bawat eksena niya yata ay mapapamura at matatawa ka.

Anyway, mula sa “Ang Babaeng Walang Pakiramdam”, muli ngang gaganap bilang si Ngongo si Jerald sa “Love, Ngo”, na showing na ngayon sa lahat ng mga sinehan nationwide.

Sa pagbabalik-pelikula ng direktor na si Darryl Yap, muling mabibigyang-buhay ang karakter na nagpatawa, nagpangiti, at umagaw ng atensyon ng mga manonood.

Bukod kay Tasha (Kim Molina), ang superwoman na walang emosyon, nakilala rin sa isa sa mga top-streamed films na “Ang Babaeng Walang Pakiramdam” ang funny man, maaasahan at laging reliable na si Ngongo. 

Hindi lang sa pelikula nagpasaya si Ngongo—ang kanyang “Mork and Mean” na eksena ay nag-trending online at umabot sa mahigit 125 million views.

Sa pelikula malalaman kung ano nga ba ang buhay ni Ngongo bago sila nagtagpo ni Tasha.

Si Ngongo ay isang masipag, maabilidad, at madiskarteng binata na tumutulong sa burger stand ng kanyang Mother Queen (Gina Alajar).

Naiiba man siya dahil sa kanyang kondisyon, mayaman naman siya sa pagmamahal mula sa kanyang mga tapat na kaibigan na kapareho rin niya ng kapansanan.

Ibinubuhos ni Ngongo ang kanyang libreng oras bilang volunteer sa The Cleft Lip and Palate Foundation, isang organisasyong tumutulong sa mga may bingot at ngongo. Dito niya makikilala si Scarlet, ang kanyang first love. 

Liligawan ni Ngongo si Scarlet (Louise delos Reyes), ngunit tutol ang pamilya ng dalaga dahil sa estado ng buhay at kondisyon niya. Dito masusubok ang kanyang katatagan, dahil hahamakin niya ang lahat para kay Scarlet, kahit pa ikapahamak niya ito.

At sa kanyang pagpupursiging makuha ang pag-ibig ng babaeng pinakamamahal, unti-unti niyang makakalimutan na may pamilya at mga kaibigan ding nagmamahal sa kanya nang tapat at walang pag-aalinlangan.

Samahan si Ngongo sa kanyang journey para matagpuan ang tunay na pag-ibig at pagmamahal sa sarili. 

The post Jerald Napoles pang-best actor sa ‘Love, Ngo’; Malupiton agaw-eksena!  appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments