Responsive Ad

Banta ng ‘mass shooting’ sa paaralan sa Leyte naagapan, napigilan

Banta ng ‘mass shooting’ sa paaralan sa Leyte naagapan, napigilan
PHOTO: Screengrab from Facebook/DILG Philippines

ISANG posibleng trahedya ang naiwasan matapos maagapan ng mga awtoridad ang umano’y planong pamamaril o pananaksak sa loob ng isang paaralan sa Tolosa, Leyte.

Nangyari ito ilang araw lamang matapos ang madugong insidente sa isang paaralan sa Tacloban kung saan tatlong estudyante ang nasawi at mahigit 20 ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang menor de edad.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, mismong si Sen. Bam Aquino ang tumawag sa kanya noong Miyerkules ng gabi, June 24, upang iparating ang impormasyon tungkol sa usap-usapang may nakaambang na mass shooting sa Tacloban area.

Agad namang kumilos ang mga awtoridad at sa kanilang imbestigasyon ay natunton nila ang mga Facebook post ng isang 14-anyos na Grade 10 student na umano’y nagpapahiwatig ng planong pag-atake sa Tolosa National High School.

Baka Bet Mo: Robin Padilla: Mass shooting sa loob ng paaralan, gawain ba ng bata yun?!

Isa sa mga post nito ang may nakababahalang mensahe na isinalin sa Ingles bilang: “You owe me. Get ready, I will disrupt the school…Be prepared for whoever gets stabbed or shot. We don’t care. Good luck to you.”

Sa pagresponde ng mga pulis sa bahay ng estudyante, nadiskubreng nakagawa umano ito ng iba’t ibang Facebook account na ginamit sa pagpapakalat ng mga naturang mensahe na mabilis na nag-viral sa social media at nagdulot ng pangamba sa mga estudyante, magulang, at guro.

“Sinabi niya, nag-post na siya na may mangyayari [sa school]. Noong nalaman namin, inaktuhan agad namin,” sey ni Remulla sa isang press briefing.

Kalaunan ay binura rin umano ng menor de edad ang kanyang mga post at mga account. 

Ayon sa kalihim, naging mailap ito sa mga imbestigador dahil sa takot sa maaaring kaharapin niyang parusa.

Hindi rin umano nakipagtulungan ang mga magulang ng estudyante at tumangging magbigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa insidente.

Isa sa mga tinitingnang dahilan sa umano’y plano ay ang kinahaharap na “personal and family issues” ng menor de edad.

“Following engagement with her family and along with investigation results, the threat appears to be neutralized and inactive. No evidence of an organized plan or involvement of others was found and neither [the student] nor her family had access to firearms,” sey sa police report na ibinahagi ni Remulla.

Hindi rin inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na naapektuhan o naimpluwensyahan ang estudyante ng kamakailang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban.

Samantala, dinala ang 14-anyos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa assessment at panayam.

Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na hindi maaaring kasuhan ng kriminal ang menor de edad sa ilalim ng kasalukuyang batas.

Dahil dito, muli niyang isinusulong ang pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act dahil may ilang kabataan umano ang naniniwalang hindi sila mananagot sa batas dahil sa kanilang murang edad.

“I think age is not important. Cognizance and intent are the most important factors,” giit ng kalihim..

Sa huli, hinikayat ni Remulla ang publiko na huwag ipagsawalang-bahala ang anumang banta ng karahasan na makikita sa social media o maririnig sa komunidad.

“Any threat is considered live until it is neutralized. So hindi mo pwede sabihin na pagbasa mo ng post, wala ito. Basta may makita kayo na kahit konti man na babala na meron mangyayaring karumal-dumal, magsabi kayo kaagad. It will go a long way in stopping into a repeat of what happened last Monday,” ani Remulla.

Panawagan din niya sa mga magulang na mas bantayan ang online activities ng kanilang mga anak, lalo na sa panahon ngayon kung saan mas madaling maimpluwensyahan ang mga kabataan ng mararahas na content na kanilang nakikita sa internet.

The post Banta ng ‘mass shooting’ sa paaralan sa Leyte naagapan, napigilan appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments