Responsive Ad

Anak ng tindero ng cotton candy nagtapos sa Ateneo: Hindi siya sumuko!

Anak ng tindero ng cotton candy nagtapos sa Ateneo: Hindi siya sumuko!
Photos from Andriana Joy Nepacina Facebook page

SIGURADONG proud na proud ang isang cotton candy vendor sa kanyang anak na kanyang napagtapos sa Ateneo de Manila University.

Ibinandera ni Andriana Joy F. Nepacina sa buong universe na  kabilang siya sa graduating Class of 2026 ng Ateneo sa kursong Bachelor of Science in Legal Management.

Sa pamamagitan ng Facebook, abot-langit ang pasasalamat niya sa amang si Amorlito “Amor” Nepacina, na isang tindero ng cotton candy.

Ayon pa kay Andriana, siya rin ay Ateneo College Scholarship grantee, na naging malaking tulong din sa kanyang pamilya upang siya ay maka-graduate.

Bayani ang turing ng bagong graduate na estudyante sa kanyang pinakamamahal na ama na talagang ginawa ang lahat upang maitaguyod ang kanyang pag-aaral.

“Hindi lahat ng bayani may kapa. Ang sa akin, may kariton ng cotton candy at may sipag bilang puhunan.”

“Pa, mula sa bawat balot ng cotton candy, nakapagpatapos ka ng isang Atenista,” ang bahagi ng mensahe ni Andriana kay Tatay Amor.

Pagpapatuloy ng dalaga, “Kilala si papa ng marami bilang ‘Kuya Amor’, ang nagtitinda ng cotton candy sa mga kalsada ng Antipolo at sa paligid ng seminaryo.

“Minsan sa ilalim ng tirik na araw, minsan naman kahit malakas ang ulan. Kahit pagod na pagod na siya, hindi ko kailanman narinig siyang magreklamo sa hirap ng buhay.

“Habang lumalaki ako, mas naiintindihan ko kung gaano kabigat ang mga sakripisyong dala ng bawat supot ng cotton candy na naibebenta niya.

“Hindi lang pala ito simpleng paninda, ito ang naging daan para mapakain kami, mapag-aral ako, at maipagpatuloy ko ang mga pangarap ko,” lahad pa niya.

Naging magandang ehemplo rin ang kasipagan at pagiging matiyaga ni Tatay Amor sa kanyang anak, lalo na sa kanyang pag-aaral.

“Siguro kaya rin ako natutong mangarap nang malaki. Dahil paano ako susuko sa pag-aaral kung ang taong nagpapaaral sa akin ay hindi sumusuko sa paghahanapbuhay?

“Paano ko sasabihing hindi ko kaya kung araw-araw kong nakikita ang tatay ko na lumalaban nang marangal para sa aming pamilya?

“At dahil dito, mas nagsumikap ako dahil gusto kong patunayan na hindi hadlang ang kahirapan sa taong may mataas na pangarap at lumalaban nang patas,” pagbabahagi pa ni Andriana.

Sa huli inialay din niya ang ang kanyang pagtatapos sa ama, “Papa, itong diploma ay hindi lang para sa akin. 

“Para rin ito sa lahat ng taon ng pagod, sakripisyo, at pagmamahal na ibinigay mo nang walang hinihinging kapalit.

“Happy Father’s Day, Papa Lito Nepacina Amorlito Nepacina. I love you.”

Kasunod nito, feeling grateful din siya sa pagiging Ateneo College Scholarship grantee.

“Maraming, maraming salamat, Office of Admission and Aid (OAA) at Ateneo sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong makapag-aral sa pamamagitan ng scholarship.

“Kayo ay naging malaking bahagi ng pangarap kong mabigyan ng mas magandang buhay ang aking mga magulang at masuklian ang lahat ng kanilang sakripisyo,” mensahe ng proud anak ng isang tindero ng cotton candy.

The post Anak ng tindero ng cotton candy nagtapos sa Ateneo: Hindi siya sumuko! appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments