ALAMIN: DepEd ibinandera ang bagong patakaran sa ‘class suspension’

MAY bagong gabay na ang mga paaralan sa pagdedesisyon kung magsususpinde ng klase kapag may bagyo, baha, lindol, matinding init ng panahon, at iba pang emergency.
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, June 5, na inilabas na nila ang DepEd Order No. 14 na naglalayong magbigay ng mas malinaw na sistema para sa mga school head, division alternative learning system focal point, at schools division superintendent sa paghawak ng mga sitwasyong maaaring makaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante.
Ayon sa DepEd, saklaw ng bagong polisiya ang mga pagkakataong may bagyo, pagbaha, lindol, health crisis, karahasan, armadong sigalot, matinding init ng panahon, at iba pang emergency.
Isa sa mga tampok ng bagong polisiya ang learning continuity framework na may apat na antas upang matulungan ang mga paaralan na matukoy kung ano ang pinakaangkop na hakbang depende sa kaligtasan at kahandaan ng mga estudyante at guro.
Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: Mga kawani ng San Juan City Jail nakiisa sa balik-eskwela
‘Hayo’ (continue)
Ang unang antas ay tinawag na “hayo” o continue, kung saan nagpapatuloy ang regular na face-to-face classes kapag ligtas na ang lahat ng stakeholder.
‘Hinay’ (ease-in)
Ang ikalawang antas naman ay “hinay” o ease-in, na nagbibigay ng mas mabagal at flexible na paraan ng pag-aaral kapag may bahagyang abala o epekto ang isang sitwasyon.
‘Hinga’ (check-in)
Sa ikatlong antas na “hinga” o check-in, binabawasan ang academic requirements at mas binibigyang-priyoridad ang pagsusuri sa kalagayan at kapakanan ng mga estudyante at guro.
‘Hinto’ (stop)
Samantala, sa ikaapat na antas na “hinto” o stop, pansamantalang ititigil ang pag-aaral dahil nanganganib na ang kaligtasan at mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong indibidwal.
Kasama rin sa bagong polisiya ang pagsasanay para sa mga guro tungkol sa trauma-informed teaching, psychological first aid, at iba’t ibang paraan ng pagtuturo sa panahon ng emergency.
Inatasan din ang mga regional at schools division office na suportahan ang mental health ng mga guro at magbigay ng agarang tulong, lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib o kulang sa resources.
Hinikayat din ng DepEd ang mga school head na makipag-ugnayan sa schools division superintendent at mga opisyal ng lokal na pamahalaan bago magdesisyon tungkol sa kanselasyon ng klase.
Layunin ng ahensya na maging mas “highly localized” ang mga class suspension at nakabatay sa aktwal na sitwasyon sa komunidad sa halip na awtomatikong magpatigil ng klase sa buong lugar.
Ayon pa sa DepEd, ang bagong gabay ay ginawa upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagsuspinde ng klase kapag ligtas at handa namang magturo at matuto ang mga guro at estudyante.
Sa halip, layunin nitong tiyaking magpapatuloy pa rin ang pagkatuto ng mga mag-aaral kahit may mga hindi inaasahang abala o kalamidad.
Nilinaw din ng ahensya na ang bagong polisiya ay karagdagan lamang sa umiiral na mga patakaran hinggil sa pagsuspinde ng klase at trabaho sa mga paaralan tuwing may sakuna at emergency.
The post ALAMIN: DepEd ibinandera ang bagong patakaran sa ‘class suspension’ appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments