SB19 Stell, BINI Jhoanna, Skusta Clee bumida sa tribute video na ‘Pangalan’
BIDANG-BIDA ang mga OPM idol na sina SB19 Stell Ajero, BINI Jhoanna Robles at Skusta Clee sa huling bahagi ng seryeng “Sari-Sari Stories”.
Bumandera nga ang kanilang tribute video na “Pangalan” sa “Sari-Sari Stories” na ipinalabas sa Puregold YouTube channel recently.
Isa itong emosyonal at taos-pusong pagpupugay sa mga sari-sari store na patuloy na pinakikilos ang pang-araw-araw na pamumuhay, mga munting negosyo, at ugnayan ng mga komunidad sa buong Pilipinas.
Umeksena rito sina BINI Jhoanna, SB19 Stell at rapper-songwriter na si Skusta Clee – na sinasalamin sa kani-kanilang mga personal na buhay ang pagiging pamilyar ng mga sari-sari store sa buhay ng mga Pilipino.
Dagdag ang kanilang partisipasyon sa kahalagahang kultural na kalakip ng mensahe ng “Pangalan” na nakaangkla sa negosyo, akses, at komunidad.
Matapos ang paglunsad ng mga naunang video sa serye, ang “Ways,” “The Sign,” at “The Witness,” pinalawig pa ng Puregold ang usapin mula sa simpleng pag-alala at nostalgia tungo sa kabuluhang pang-ekonomiko, at binigyang-diin ang serbisyo ng mga sari-sari store bilang mga pamilihang aksesibol, haligi ng komunidad, at nagsisimulang mga negosyo na sumusuporta sa mga sambahayan sa bansa.
Lumalagpas ang mga sari-sari store sa pagiging impormal na negosyo sa komunidad. Gampanin nilang maging huling punto ng kalakalan na tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng konsumer sa paraang malapit, pamilyar, at may handog na pagpipilian sa pamimili at pagbabayad.
Ang tatag na ito ay nagbigay-daan upang manatiling mahalaga ang mga sari-sari store, sa kabila ng patuloy na pagbabago ng mundo ng retail.
Sa puso ng “Pangalan” ay ang ideya na higit pa sa mga tindahan ang sari-sari store, kung hindi pinagkakatiwalaang mga espasyo na tinatakbuhan ng mga tao hindi lamang para sa mga esensyal na bilihin, pati na rin para sa ugnayan at koneksyon.
Kuha ng maigsing pelikula ang gampaning ito: ang sari-sari store bilang tanungan, tambayan, at takbuhan.
Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa negosyong nakabase sa komunidad, ipinapakita lamang ng kompanya ang kabuluhan nito sa komersyong grassroots, habang inilalaan din ang atensyon sa kontribusyon ng mga MSME sa domestikong ekonomiya.
Angkop din ang oras ng lunsad ng video, habang inaabangan na ng mga MSME ang nalalapit na Puregold Tindahan Ni Aling Puring Sari-Sari Store Convention sa Mayo.
Ang taunang event ay isang susing plataporma para sa mga may-ari ng sari-sari store, negosyante, at partner supplier–patunay ng pangako ng Puregold na mag-ambag sa pag-unlad at paglago ng maliliit na negosyo.
The post SB19 Stell, BINI Jhoanna, Skusta Clee bumida sa tribute video na ‘Pangalan’ appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments