Kim Molina pang-best actress sa ‘Wonderful Nightmare’: Grabe siya!
TAMA ang sinabi ni Jerald Napoles na pelikula ng kanyang asawang si Kim Molina ang latest movie nilang “Wonderful Nightmare” under Viva Films.
Napanood namin ang “Wonderful Nightmare” sa ginanap na premiere night nito recently sa SM Megamall Cinema 2 na dinaluhan ng halos lahat ng cast members.
Para sa mga hindi pa aware, ang bagong pelikula ng KimJe ay Filipino adaptation ng 2015 Korean blockbuster hit na “Wonderful Nightmare” mula sa direksyon ni RC Delos Reyes.
In fairness, maganda ang South Korean version ng movie pero mas na-enjoy namin ang Pinoy remake nito dahil feel na feel mo ang kuwento at relate much kami sa ilang makabagbag-damdaming eksena nina Kim at Je.
Kuwento ito ng isang career woman na mapupunta sa katauhan ng isang housewife matapos maaksidente.
Si Atty. Ma. Luisa “Lui” Manuel (Kim) ay kilala bilang matinik na abogado na may malalaking kaso. Hindi ito nagpapakita ng emosyon kaya naman walang puso ang tingin sa kanya, pero sa katunayan, umiiwas lang ito na masaktan.
Bata pa lang ay naulila na si Lui, at dahil sa sunud-sunod na masamang pangyayari, pinangako niya sa sarili na hindi maghihirap at hindi mangangailangan sa lalaki at pag-ibig.
Ang kalkuladong buhay ni Lui ay biglang matatapos nang mabangga ang kanyang sasakyan. Magigising siya sa langit pero muling pababalikin sa lupa dahil hindi pa ito ang tamang oras ng kanyang kamatayan. Kailangan niyang mabuhay sa katawan ng isang babae sa loob ng isang buwan.
Sa muling paggising ni Lui, isa na siyang asawa ng isang simpleng empleyado na si Julian (Jerald) at ina ng isang teenager na babae na si Jaja (Althea Ruedas) at ng anim na taong gulang na si Justin (Archilles Wenceslao). Nakatira sila sa munting apartment.
Hindi makapaniwala si Lui na kailangan niyang alagaan ang kanyang temporaryong pamilya gamit ang maliit na sweldo ni Julian.
Sa paglipas ng mga araw, unti-unting matututo na tanggapin ni Lui ang buhay niya bilang isang ina at asawa. Natutuwa naman si Lui sa pagiging mapagmahal na asawa at ama ni Julian kahit may pagka-corny ito. Ang bunsong anak na si Justin ay mabait at sweet rin, pero si Jaja ay may pagka-rebelde.
Sa bagong buhay na ito, magkakaroon rin si Lui ng mga bagong kaibigan: ang raketerang si Olga (Yumi Lacsamana), ang nagbebenta ng leche flan na si Sansan (Quinn Carillo), at ang pinaka-logical sa kanilang lahat na si Daisy (Divine Aucina).
Sa takbo ng kwento, malalaman kung kailan at paano maiiba ang pananaw ni Lui sa kanyang bagong buhay.
Kung noon ay hindi niya pinangarap na magkaroon ng pamilya at makaranas ng pagmamahal at kaligayahan, ngayon ay isang bangungot na ang iwan ang pamilyang ito.
Pero isang buwan lang ang dapat niyang itagal at hindi maiiwasang magigising siya sa pinaka-magandang bagay na kanyang naranasan.
Diretsahan naming sasabihin na napakagaling ni Kim sa pelikulang ito at hindi na kami magtataka kung manalo siya ng best actress sa next awards season.
For us, ang “Wonderful Nightmare” ang pinakabonggang pelikula ng KimJe, bukod kasi sa nagmarkang acting nila, sure na sure kami na tatatak ang istorya at tema nito sa mga manonood.
Pinatawa, pinakilig at pinaiyak kami ng movie. Feeling namin, after n’yong ma-watch ang kabuuan ng pelikula, mas mamahalin n’yo pa ang inyong pamilya.
Kaya go, watch “Wonderful Nightmare” na showing na sa mga sinehan simula sa April 4, Black Saturday and sinisiguro namin sa inyo na hindi masasayang ang inyong hard-earned money na ibabayad n’yo sa sinehan.
Kasama rin sa pelikula sina Al Tantay bilang hepe ng Heaven’s intermediary, Candy Pangilinan bilang reklamador at masungit na kapitbahay ni Lui, Krissha Viaje bilang kapwa abogado ni Lui, Jaycee Parker bilang nanay ni Lui, at marami pang iba.
The post Kim Molina pang-best actress sa ‘Wonderful Nightmare’: Grabe siya! appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments