Joel Lamangan sa akusasyon ni Rod Navarro, Jr. kay Coco: Tumigil ka!
KINONTRA ng award-winning director na si Joel Lamangan ang mga akusasyon ng aktor na si Rod Navarro, Jr. laban kay Coco Martin.
Umabot ng halos tatlong taon si Direktor Joel sa hit Kapamilya series na “FPJ’s Batang Quiapo” na pinagbidahan at idinirek ni Coco. Nagmarka sa madlang pipol ang karakter niya sa serye bilang si Roda.
Nagtapos na nitong nagdaang Biyernes, March 13, ang “Batang Quiapo” na talagang inabangan ng mga manonood.
Nakachikahan ng BANDERA si Direk Joel last March 12 sa mediacon ng bago niyang obra, ang “All About Her” na isa sa anim na full-length films sa 8th Sinag Maynila Film Festival na gaganapin sa March 23 to 29, 2026.
Kuwento ng iconic filmmaker, pumayag daw siya agad nang kunin siya bilang artista sa serye ni Coco Martin, “Kinausap niya ako dahil naging aktor ko yung kapatid niya, si Ronwaldo Martin. Naging artista ko si Ronwaldo sa Bhoy Intsik (2017) kasama sina Elora Españo at RS Francisco.”
Hindi raw siya nagdalawang-isip sa offer ni Coco, “Dahil maganda ang bayad! Magdadalawang-isip pa, sayang naman, di ba? Tsaka M-W-F lang naman ang taping. Meron pa akong T-Th-S.
“Gusto ko rin kasing malaman kung paano siyang katrabaho. Kasi marami akong naririnig,” sey ni Direk Joel.
Ang akala nga raw niya ay tsutsugihin na ang karakter niya sa “Batang Quiapo” sa kalagitnaan ng kuwento nito.
“Naku, tetegiin na ako! Dalawang beses akong sinaksak-saksak. ‘Ay! Patay na ako?!’ The next time, ay may call slip ako.
“Nasa hospital ako. Ay! Buhay ako! Dahil gusto ng mga tao ang role ko,” aniya pa.
“Kasi ang alam ko, sabi ni Coco, ‘Direk, kukunin kita pero sandali lang, ha?’ Akala ko, sandali lang ako. E, nasaksak na ako, dalawang beses. Nasunog pa ang bahay ko, di ba? Buhay pa rin. Hindi ako mamatay-matay!” chika pa ng premyadong direktor.
Kinumusta naman sa kanya si Coco bilang direktor, “Si Coco ay mahusay. Unang araw ko nga nu’ng taping, sabi ko, ‘Jusko! Tingnan ko nga, ano kinabukasan ko rito?’ Visually and content-wise.
“Aba, nakita ko, may mata siya, marunong siyang mag-position ng camera. Ang idinidirek niya, si Charo Santos at ako. Imagine, nakakatensiyon. Kaming dalawa. Aba! Mahusay siya!” saad pa ni Direk Joel.
Next question kung na-intimidate ba sa kanya si Coco dahil isa nga rin siyang filmmaker, “Hindi naman. Sabi ko sa kanya, ‘Coco, pag ako, artista, napakabait ko. Susunod ako nang susunod sa direktor. Wala akong tutol anuman ang ipagawa mo sa akin. Huwag mo lang akong paghubarin!’
“Magaling siya. Mahusay. Alam niya ang ginagawa niya. At ang buong istorya, hindi sa script, sa utak niya,” sey pa niya.
Sundot na tanong namin, kung ano ang masasabi niya sa mga naging pahayag ng aktor na si Rod Navarro Jr., na hindi raw naging maayos ang pagtrato ni Coco sa kanya nu’ng naging bahagi siya ng “Batang Quiapo.”
“Mahusay si Coco. Marami siyang binigyan ng break na kailangan ng tulong, ng trabaho. Maganda siyang magbayad, sa totoo lang. Hindi naman ABS-CBN ang nagbabayad, si Coco.
“Mabait si Coco, mabait na tao. At mahusay. Hindi totoo yung sinasabi ni Rod Navarro Jr. Jusko, binigyan na nga siya ng trabaho, ng kung anu-ano, sinisiraan niya pa. Hindi totoo yan, darling.
“Almost three years akong kasama ni Coco. Wala akong nakitang ganoon. Wala! Kahit sa sinong direktor (ng Batang Quiapo), apat yun, e, kahit sa sinong direktor namin, wala akong nakitang ganoon. At bukas sila kung ano ang gusto mong sabihin,” esplika pa ni Direk Joel.
“Naku, haharapin ko si Rod Navarro Jr.. Kapag nakita ko iyan, ‘Naku, hindi na kita kukuning artista! Ayaw mo pala ng sigaw nang sigaw, e, nasigaw ako! Huwag kang mag-apply sa akin,’ sasabihin ko sa kanya. ‘Tumigil ka!’” matapang na pagtatanggol ni Direk kay Coco.
Samantala, proud si Direk Joel sa bago niyang pelikula, ito ngang “All About Her” produced by 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo with Executive Producer Meloy Uy.
Tungkol sa mga kaganapan sa mundo ng beauty pageant ang movie na hindi pa alam ng publiko, tulad ng isyu ng prostitution dito.
Bida sa “All About Her” sina Yuki Sonoda, Kelley Day, at Tony Labrusca, with Pancho Magno, Jim Pebanco, VMX stars Itan Rosales, Marco Gomez, and Angelica Cervantes.
“It talks about some sexy things. It’s about mga beauty contestants sa global beauty contest. Paano ba ang beauty contest? Ano ba ang marurumi at malilinis na bagay sa beauty contest?” paliwanag ni Direk Joel.
Mapapanood sa pelikula ang dayaan sa mga beauty contest. Sey ni Direk, “Maraming masasaktan dahil maraming matatamaan, pero iyon naman ang totoo.
“Based ito sa isang news story na isang beauty queen na namatay. Di ba, may mga ganung istorya? Batay ito sa istoryang iyon pero hindi ito istorya nu’ng beauty queen na namatay na yon, inspired lang.”
Ang “All About Her” ay mula sa screenplay ng aktres ding si Quinn Carrillo at magkakaroon ng gala premiere sa March 23, 5 p.m. sa Gateway Cinema 17.
Ang entries ng Sinag Maynila 2026 (Sine Lokal, Pang-International) ay ipalalabas sa Gateway Cinemas (Cubao, Quezon City), Eastwood Cinemas (Libis, QC), Uptown Cinemas (BGC, Taguig City), Venice Cineplex (McKinley Hill, Taguig City), at Lucky Chinatown Cinemas (Binondo, Manila).
The post Joel Lamangan sa akusasyon ni Rod Navarro, Jr. kay Coco: Tumigil ka! appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments