Responsive Ad

ICC pinayagan si Duterte na hindi dumalo sa pagdinig

ICC pinayagan si Duterte na hindi dumalo sa pagdinig
PHOTO: Facebook/Rody Duterte

HINDI makikita ng buong mundo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) sa susunod na linggo matapos aprubahan ng Pre-Trial Chamber I ang hiling niyang huwag na itong daluhan.

Ayon sa kamara ng International Criminal Court, hindi na personal na haharap si Duterte sa lahat ng sesyon ng pagdinig kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa kanyang war on drugs. 

Nakatakda ang pagdinig sa February 23 hanggang 24 at February 26 hanggang 27.

“Today, February 20, 2026, following a request by the defence of Mr. Rodrigo Roa Duterte, Pre-Trial Chamber I of the ICC decided that the hearing on the confirmation of charges will be held in the absence of the suspect,” anunsyo ni ICC spokesperson Oriane Maillet.

Baka Bet Mo: Jimmy Bondoc sa pagkadawit ni Bong Go sa ICC: Napakasakit para sa akin!

Dagdag pa ni Maillet, sinuri ng mga hukom ang dokumentong pirmado ni Duterte at nakita nilang sapat ito ayon sa Rome Statute, ang nagtatag sa ICC.

“In particular, the chamber noted that Mr. Duterte stated that he understands he has the right to be present at the confirmation hearing and the consequences of waiving this right, which have been thoroughly explained to him by his counsel,” sey ng tagapagsalita.

Patuloy niya, “Moreover the chamber considers that, in the present circumstances of the case, it is appropriate to proceed with the hearing on the confirmation of charges in the absence of Mr. Duterte.”

Nilinaw ng ICC na hindi dahil sa kalusugan ang hindi pagdalo ni Duterte. 

Ayon sa mga hukom, “was fit to attend” ang dating pangulo batay sa pagsusuri ng medical experts at sa legal na kalagayan ng kaso.

Pinapayagan ang ganitong sitwasyon sa ilalim ng Article 61, Paragraph 2 (a) ng Rome Statute at Rule 124 ng Rules of Proceedings and Evidence. 

Pero kapag nakumpirma ang mga kaso laban sa kanya, hindi papayagan ng ICC ang paglilitis nang wala siya, ayon sa Article 63(1) ng Rome Statute na nagsasabing dapat present ang akusado sa trial.

Sa text message naman sa INQUIRER, sinabi ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na karapatan ng dating pangulo ang magsumite ng waiver at ginawa lamang nila ito.

“The Prosecution has not encountered a situation like this previously and it clearly conveys in its filing its irritation and belief that it is not the former President who should be controlling the narrative,” wika niya.

Ipinaliwanag din ni Kaufman na hindi kailanman kinilala ni Duterte ang kapangyarihan ng ICC na litisin siya. 

Kinukwestiyon pa rin ang hurisdiksyon ng korte at hinihintay pa ang desisyon ng appeals chamber.

Gaganapin ang confirmation of charges sa gusali ng ICC sa The Hague, Netherlands. 

Doon na rin nakakulong si Duterte mula pa noong March 2025 sa isang detention facility ng ICC.

Pagkatapos ng pagdinig, may 60 araw ang Pre-Trial Chamber para magpasya kung kukumpirmahin ang lahat o ilan sa mga sakdal laban sa kanya. 

Sa ngayon, itinuturing pa rin siyang suspect.

Kapag nakumpirma ang isa o higit pang kaso, magiging opisyal na siyang akusado at itutuloy ang paglilitis sa harap ng trial chamber.

Pinaghihinalaan si Duterte sa crimes against humanity na murder at attempted murder na umano’y naganap sa Pilipinas kaugnay ng kanyang “war on drugs” mula November 1, 2011, noong alkalde pa siya ng Davao City, hanggang March 16, 2019 nang siya ay pangulo.

Batay sa Document Containing the Charges ng prosekusyon, may tatlong bilang ng crimes against humanity: mga pagpatay sa o paligid ng Davao City na iniuugnay sa Davao Death Squad noong siya’y mayor; pagpatay sa mga tinawag na “high-value targets” noong siya ay pangulo; at mga pagpatay at tangkang pagpatay sa mga barangay “clearance operations” noong kanyang administrasyon.

The post ICC pinayagan si Duterte na hindi dumalo sa pagdinig appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments