#SerbisyoBandera: QC may pa-scholarship program para sa Wikang Filipino, Panitikan
MAS pinalalakas pa ng Quezon City ang kanilang adbokasiya para sa abot-kayang edukasyon at pagpapayabong ng kulturang Pinoy matapos opisyal na ilunsad ang Manuel L. Quezon Filipino Language and Literature Scholarship Program nitong Enero.
Itinatag ang programa sa bisa ng Ordinance No. SP-3458, S-2025, na nag-amyenda sa Expanded Scholarship Code of Quezon City upang maglaan ng isang espesyal na scholarship track para sa mga mag-aaral, guro, at mananaliksik na nag-aaral ng wikang Filipino, panitikan, lingguwistika, pagsasalin, at mga kaugnay na larangan.
Saklaw ng bagong programa ang scholarship for tertiary students, scholarship for post-graduate students, at creative writing and literary grants.
Layunin ng scholarship na itaguyod ang kahusayan sa pag-aaral ng Filipino, hikayatin ang malikhaing pagsulat at produksyong pampanitikan, suportahan ang mga pananaliksik, palakasin ang pambansang identidad, at palawakin ang oportunidad para sa mga sektor na madalas napag-iiwanan.
Baka Bet Mo: QC Tutoring Program nagpakita ng malaking resulta sa loob ng 25 days
Sa ilalim ng Scholarship for Tertiary Students, ang mga kwalipikadong mag-aaral na naka-enroll sa Filipino Language, Filipino Literature, Journalism, Philippine Studies, o Education na may Filipino major ay maaaring makatanggap ng hanggang P160,000 kada academic year kung nag-aaral sa pribadong paaralan.
Para naman sa mga nasa pampublikong institusyon, may P50,000 na taunang stipend.
Samantala, ang Scholarship for Post-graduate Students ay para sa mga kumukuha ng Filipino Language, Philippine Studies, Philippine Literature, Comparative Literature, o Linguistics na may pokus sa Filipino.
Ang mga mapipiling iskolar ay maaaring tumanggap ng hanggang P105,000 kada school year, kapalit ng pagsusumite ng pananaliksik na nakatuon sa promosyon ng wikang Filipino at panitikan.
Hindi rin nakalimutan ang mga manunulat, kaya sa pamamagitan ng Creative Writing and Literary Grant, susuportahan ang mga kabataan at beteranong awtor na lumilikha ng orihinal na akda sa Filipino mula tula at kathang-isip hanggang sanaysay at dula.
Ang matatanggap ng grant recipients ay P10,000 na stipend at hanggang P30,000 para sa publication assistance, o kabuuang P40,000.
Binigyang-diin ni Mayor Joy Belmonte ang kahalagahan ng programa, lalo na’t Quezon City ang tahanan ng pamana ni Pangulong Manuel L. Quezon, ang Ama ng Wikang Pambansa.
“Quezon City is the home of the nation’s capital heritage and the legacy of President Manuel L. Quezon, the Father of Filipino Language (Ama ng Wikang Pambansa). By institutionalizing this scholarship program, we are investing not only in our students, but also in our identity as a people,” sey ni Mayor Belmonte sa isang pahayag.
“This initiative ensures that Filipino language and literature continue to thrive in our schools, our communities, and future generations,” dagdag pa niya.
Ayon naman kina Vice Mayor Gian Sotto, na siyang presiding officer ng Sangguniang Panlungsod, at Ordinance Author na si Majority Floor Leader Councilor Aly Medalla, malinaw na patunay ang ordinansa ng pagsisikap ng Konseho na palawakin ang access sa edukasyon at mga programang pangkultura.
“The measure reflects the City Council’s commitment to inclusive education and cultural empowerment. By integrating this scholarship into our Expanded Scholarship Code, we are opening more doors for young Filipinos, educators, and writers to develop their talents and contribute meaningfully to nation-building through language and literature,” sambit ni Vice Mayor Sotto.
Sa kabuuan, pinagtitibay ng Manuel L. Quezon Filipino Language and Literature Scholarship Program ang paninindigan ng Quezon City sa paghubog ng malikhaing kaisipan at pagmamalaki sa sariling kultura, tinitiyak na ang diwa at pamana ni Manuel L. Quezon ay patuloy na magsisilbing inspirasyon ng bagong henerasyon ng mga manunulat, guro, at lider.
The post #SerbisyoBandera: QC may pa-scholarship program para sa Wikang Filipino, Panitikan appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments