Responsive Ad

Maricel Soriano napaandar ang tricycle sa takot kay Ishmael Bernal: Nabato ako ng script

Maricel Soriano napaandar ang tricycle sa takot kay Ishmael Bernal: Nabato ako ng script

SA mga master directors na naka-trabaho ni Maricel Soriano noong araw ay inamin niyang natakot siya kay Ishmael Bernal dahil mahilig daw mambato ito kapag galit at mabuti na lang nakailag siya.

Sa panayam ni Marya kay Bianca Gonzales-Intal sa “The B Side” show nito na mapapanood sa Cinema One nitong Linggo ay tinanong ng host kung ano ang mga karanasang hindi niya malilimutan sa mga direktor na naka-trabaho niya.

Inuna munang banggitin ni Bianca si direk Lino Brocka.

“Naidirek ako ni direk Lino na isang pang Mother’s Day (Mother Dear – 1982) na bitin na bitin ako kasi ilan kami (cast) na umandar (umikot) sa lahat ‘yung istorya.  So, sabi ko ‘parang kulang.’

Baka Bet Mo: Maricel Soriano sumailalim sa ‘discoplasty’ sa SG: Instantly magaling na ‘ko

Ang ibang kasama sa “Mother Dear” ay pawang wala na ngayon tulad nina Charito Solis, Nestor De Villa, Joel Alano, Julie Vega at Ms Gloria Romero.  Hindi naman aktibo sa paggawa ng pelikula at show sina William Martinez at Edgar Mande at sa buong cast ay tanging si Snooky na lang ang aktibo at may sariling vlog din.

Anyway, tsika ni Marya “Pumupunta siya palagi sa taping namin ng Maricel Drama (Special) kasi close niya si Mama Mel Chionglo (direktor).  Kaya everytime na magte-taping kami nagkakaroon kami ng chance na magkuwentuhan ng totoo.

“Sabi niya (direk Lino), ‘Maricel gusto ko talagang gumawa tayo ng pelikula kaya lang magkagalit pa kami ni Mother (Lily Monteverde) ngayon.  Alam mo naman kapag hindi ka okay kay Mother wala tayong pelikula, ganu’n noon, eh.  Kaya hindi kami nakagawa (ikalawang pelikula).”

Sunod si direk Ishmael Bernal, “Oh my God!  Akala ng lahat masungit siya hindi siya masungit, siya talaga ‘yan.  Ganyan lang siya talaga nambabato siya ng silya, nagmbabato siya ng (anumang gamit na makita), ito (sabay turo sa coffee table) ihahagis niya diyan, ganyan lang.  Simple lang siya, ha, ha, ha (natawa rin si Bianca).”

Balik-tanong ng host kung natakot ba si Maricel Soriano nang makita niyang ganu’n ang ugali ni direk Ishmael.

“Hindi!  Hindi ako nagpapakita sa kanya na nasa-shock ako, (sabi ko lang), ‘ay bakla dati baka tamaan tayo, doon tayo lumipat.’  Naku, e, bago pa kami dumating do’n (bagong pouwesto) may lumipad na naman do’n, naku bakla baka tamaan tayo dito nakakatawa!

“Pero sa kanya  ako may pinakamaraming pelikula noong panahon na ‘yun.  ‘Yung Galawgaw (1982) iba ang comedy namin doon.  In 15 minutes napaandar ko ‘yung traysikel na hindi ako marunong ha, napaandar ko sa takot ko sa kanya (direk Ishmael).

“Nagalit kasi siya sa akin (kaya may takot na) isang beses dahil late ako.  Natsatsa (napagalitan) ako ng bonggang-bongga, nabato ako ng script buti na lang umiwas ako.

“Kasi kuwarenta ang lagnat ko (kaya late) at nasa set ako niya.  Sabi ko, ‘direk pasensya ka na, huwag ka ng magalit sa akin ito ang bigay ng duktor na reseta, oh at sulat ng duktor para sa iyo.

Humingi naman daw ng sorry si direk Ishmael, “ay may sakit ka, hawakan nga kita (nagliliyab sa lagnat), oh my God, I’m so sorry.  Sabi ko, ‘lakasan mo naman (boses) kasi ‘yung tsa-tsa mo sa akin kanina para malaman naman nila (sabay turo sa mga nakapaligid).  Ginaganu’n ko siya ‘yung iba hindi siya kinakausap ng ganu’n, pero ako nakakapag-usap ng ganu’n.”

Ikinuwento rin ni Marya na hindi siya dumaan sa workshop tulad ng ginagawa ng ibang artista.

“Sikat na sikat ang workshop no’n, eh.  Hindi ko naintindihan ano ba ang workshop?  E, kinuwento kung ano ‘yung ginagawa, e, ayaw ko (kasi) maraming tao hindi ko gusto.  Gusto ko laging raw ang mga bagay,” esplika ng premyadong aktres.

Pero hindi pa rin siya lumusot dahil nang malaman daw ng direktor na hindi pa siya nag workshop ay nag-prisinta na itong siya ang magtuturo kay Marya.

“Ang dami kong natutunan no’n at wala siyang one-on-one, ako lang kaya di ba, napaka-suwerte ko,” sambit ng aktres.

At pag nagustuhan daw ni direk Ishmael ang pag-arte ay kaagad itong nagsasabing, “Cut!  Perfect thank you very much.’

Next direktor ay si Chito S. Rono na iba rin ang istilo.

“Kakausapin ka ng kakausapin, mahilig kasi kaming magkuwentuhan na parang ang tagal na naming hindi nagkikita, tapos papasok (staff), ‘direk ready na ‘yung set.’

Sasabihin daw ni direk Chito kay Marya, “hoy bakla iiyak ka dito (eksena) dalian mo na.”

Nagulat siya, “ano?  Pagkatapos mo akong patawanin nang patawanin sa kuwentuhan natin, iiyak pala ako?  Ni hindi mo mo man lang ako minotivate? Sabi sa akin, “kaya mo ‘to, halika na.’  Ganu’n (siya), salbahe no?” nailing na kuwento ng aktres.

Bukod dito ay pinaarte raw ni direk Chito si Maricel na kunwari ay may kasama sa eksena pero wala pala at imahinasyon ang papairalin.

“Sa screen makikita mo ang mga bata, pero ang totoo, wala akong nakikita.  Ako na lang ang gumagawa sa mata ko na kunwari nakikita ko sila pero wala naman sila roon,” sabi ni Marya.

Sunod na eksena ay maglalakad at bago huminto ay iiyak si Marya kita ang luha sa kaliwang mata lang at sabay sabi ng direktor, “kaya mo ‘yan di ba? Na sinagot naman daw ni Maricel ng, “try ko.”

“Kaya habang naglalakad ako panay ang dasal ko, ‘Lord tulungan mo po ako bago ko siya mapatay kaya Lord para mo ng awa, paiyakin mo ako.’  Habang naglalakad ako nagi-internalize ako at sakto paghinto ko pumatak ang luha ko, nakita niya sabi niya, ‘cut, perfect!  O di ba kaya mo?”

“Eto ang Malala, pinate-take 2.  Sabi, ‘Mary halika, tingnan mo ‘yung screen o di ba, may kulang kami kaya kailangan nating ulitin. Kasi dapat hanggang dito ‘yung kamera (anggulo), e, hindi namin nalagay sa banda rito.’

“Sabi ko, saan (na) ‘yung cameraman mo?”  Sabi niya, ‘wag ka na magalit natsa-tsa ko na, sige na ulitin na lang natin’. Parang ang dali lang ng pinagagawa, di ba? Buti na lang nagawa ko.”

At ang huli ay si direk Maryo J. de los Reyes.

“He’s really a good friend, Maryo J.  Nu’ng gumawa kami ng Minsan May Isang Ina (1983) starring Charito Solis, Maricel Soriano and Ms Nora Aunor.  Alam mo, ilan lang kaming mga Babae ni Maryo, ang mga babae sa buhay ni Maryo J de los Reyes.  Merong article na ginawang ganu’n, malalaman mo kung sino ang mga babae niya at piling-pili ‘yun.  Napakagaling at saka ang sarap-sarap niyang tumawa (saka humalakhak ang aktres).”kuwento ng aktres.

Samantala, napakaraming topics pa ang napag-usapan nina Marya at Bianca at isa lang itong tungkol sa master director.

Abangan ang part 2 tungkol aman sa mga Kabataang arrtista ngayon.

Anyway, palabas na bukas, Nobyembre 12 ang pelikulang “Meet, Greet and Bye” sa mga sinehan handog ng Star Cinema at direksyon ni Cathy Garcia-Sampana na pagbibidahan ni Maricel Soriano kasama sina Piolo Pascual, Joshua Garcia, JK Labajo, at Belle Mariano.

Bukod sa Pilipinas ay may international screening ang “Meet Greet and Bye” sa North Amerika simula sa November 14, 2025.

The post Maricel Soriano napaandar ang tricycle sa takot kay Ishmael Bernal: Nabato ako ng script appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments