Responsive Ad

Heaven Peralejo sa mga nang-iintriga sa ‘I Love You Since 1892’: Aktres ako!

Heaven Peralejo sa mga nang-iintriga sa 'I Love You Since 1892': Aktres ako!
Jerome Ponce, Heaven Peralejo at Joseph Marco

“TRABAHO lang, walang personalan!” Iyan ang pak na pak na sagot sa pangnenega ng ilang netizens sa pagbibida ni Heaven Peralejo sa digital series na “I Love You Since 1892.”

Finally, sinagot na ng award-winning actress ang pang-iintriga kung bakit siya ang napili ng Viva Entertainment bilang lead star sa Viva One Original series na “I Love You Since 1892” based on Wattpad novel.

Sa naganap na cast reveal last July 24, ipinakilala nga si Heaven bilang si Carmela at si Jerome Ponce bilang si Juanito. Pero may mga kumuwestiyon at nagreklamo kung bakit sila ang kinuhang bida ng Viva.

Marami kasi ang umasang sina Janella Salvador at Marlo Mortel ang gaganap  sa mga karakter nina Carmela/Carmelita at Juanito sa adaptation series nito.

Sa naganap na grand mediacon ng “I Love You Since 1892” kahapon, August 19, natanong si Heaven tungkol dito, ano nga ba ang naramdaman niya habang gumagawa ng ingay ang kanilang serye.

“Nu’ng una po talaga, actually, hindi naman masyadong nag-sink sa akin. But then, I think last night (August 17), unconsciously, nakikita, nababasa ko ang comments and, unconsciously, napo-project ko rin siya sa sarili ko.

“But alam n’yo, sobrang nakakatuwa, kasi kagabi, ang una kong kinausap si Jerome. Sinasabi ko sa kanya yung nararamdaman ko regarding sa online comments.

“And then, nag-open up din ako sa production namin. Nakakatuwa kasi ipinaalaala nila sa akin, bakit nga ba ako nandito ulit? Ano bang core ko? Oo nga, aktres ako. Ito yung job ko.

“Mahal ko yung trabaho ko and I shouldn’t be contained with one character na ang ganda-ganda ng istorya.

“At alam ko sa sarili ko na ibinibigay ko yung one hundred percent so bakit ako nagkakaroon ng alinlangan? Du’n ko nakita na, unang-una, ako yung nagtitiwala sa sarili ko and, of course, nagtitiwala ako sa mga kasamahan ko, sa direktor ko,” pahayag ni Heaven.

Patuloy pa niya, “Alam naming lahat na ibinibigay namin yung one hundred percent para sa proyekto na ito.”

“So, hindi tayo magpapatinag. Ito ay ginagawa ko  bilang Carmela at Carmelita, itong proyekto na ito. Iniaalay ko ito, of course, sa ating Diyos, sa management, and sa mga taong nagmamahal.

“Du’n tayo dapat nagpo-focus. Dapat positive lang tayo,” aniya pa.

Samantala, mula present ay mapupunta nga sa taong 1892 ang isang spoiled brat nang mapasakanya ang isang misteryosong diary sa sikat na Wattpad novel na “I Love You Since 1892”. 

Mula sa panulat ni Binibining Mia, ang nobela ay umani ng mahigit sa  132 million reads simula nang lumabas ito noong 2016. Ang Viva One original series na ito ay produced by Studio Viva in partnership with Webtoon Productions.

Ngayong 2025, makalipas ang halos isang dekada, ang kwento ay mapapanood na sa Viva One. 

Pinagbibidahan nga ni Heaven, ang series adaptation ng “I Love You Since 1892” ay mula sa direksyon ng award-winning filmmaker na si McArthur C. Alejandre. 

Sina Jerome Ponce at Joseph Marco naman ang maglalaban para sa puso ng karakter ni Heaven. 

Sa pagpasyal ni Carmela Isabella (Heaven) sa San Alfonso, nadiskubre niyang kamukhang-kamukha niya ang kanyang lola sa talampakan na si Carmelita Montecarlos. 

Makikilala niya ang isang madre na si Madre Olivia at nang mabasa ang diary na naglalaman ng kwento ng pag-ibig ni Carmelita, biglang mapupunta si Carmela sa taong 1892 kung saan makikilala siya bilang si Carmelita.  

Para makabalik sa kanyang tunay na panahon, dapat mapigilan ni Carmela ang kasal ni Carmelita kay Juanito at sagipin ang buhay ng binatang ito. 

Ngayong siya na si Carmelita, magugustuhan ni Carmela ang gwapo, matalino at mabait na si Juanito Alfonso (Jerome). 

Bilang anak ng isang gobernadorcillo, nakaplano na ang buhay ni Juanito, tulad ng kanyang pagiging doktor kahit na pagpipinta ang gusto niyang gawin. Mababago ang lahat nang makilala niya si Carmela bilang Carmelita. 

Mag-iibigan ang dalawa pero darating ang unang pag-ibig ni Carmelita na si Leandro Flores (Joseph Marco). Bumalik ito mula sa Cuba kung saan siya naghahanda para maging sundalo. Hangad niya rin na pigilan ang pagpapakasal nina Juanito at Carmelita. 

Sa gitna ng kanilang love triangle, haharapin din ng tatlo ang mga iskandalong pulitikal at mga personal na trahedya. 

Maipagmamalaki rin ang support cast ng “I Love You Since 1892”. Ang Pamilya Montecarlos ay binubuo nina Christian Vasquez bilang si Don Alejandro, ama ni Carmelita; Maricel Morales bilang si Donya Soledad, ina ni Carmelita; Louise Delos Reyes bilang si Maria at Anna Luna bilang si Josefina, mga kapatid ni Carmelita. 

Ang Pamilya Alfonso ay binubuo nina Soliman Cruz bilang si Don Mariano, ama ni Juanito; Andrea Del Rosario bilang si Donya Juanita, ina ni Juanito; Billy Jake Cortez bilang si Heneral Sergio, Ashley Diaz bilang si Sonya, at Gabriel Evangelista bilang si Angelito, mga kapatid ni Juanito. 

Ang Pamilya Flores ay binubuo nina Christopher Roxas bilang si Kapitan Vicente, ama ni Leandro; Christine Bermas bilang si Natasha at Liz Gonzales bilang si Helena, mga kapatid ni Leandro. Walang kinagisnang ina si Leandro. 

Si Suzette Ranillo ang gaganap bilang si Madre Olivia, ang madre na magiging gabay ni Carmela sa nakaraan.

Panahon na para maibahagi ito sa mas malawak na manonood. Ipalalabas ang serye simula ngayong September 6 kaya mag-subscribe na sa Viva One. 

The post Heaven Peralejo sa mga nang-iintriga sa ‘I Love You Since 1892’: Aktres ako! appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments