#AshWednesday2025: Bakit nagpapahid ng abong krus sa noo?

NGAYONG araw, March 5 ang pagsisimula ng Lenten season o ang tinatawag na Kuwaresma ng mga Kristiyanong Katoliko at iba pang relihiyon.
Ito rin ang araw kung saan ginugunita ang Ash Wednesday o ang Day of Ashes, ang araw ng pag-aayuno.
Ayon sa Simbahang Katolika, hudyat din ito ng pagsisimula ng penitensiya pag-aayuno at pagsasakripisyo na taun-taong isinasagawa 40 days bago ang Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay.
Tuwing Ash Wednesday, pinapahiran ng abo sa noo ang mga tao bilang tanda ng pagsisisi at pag-amin sa mga nagawang kasalanan. Karaniwang ginagawa ito ng mga pari sa loob ng simbahan.
Base sa kasaysayan, ang abo ay ginagamit noong sinaunang panahon bilang tanda ng pighati hanggang sa maging simbolo ito ng pagsisisi ng mga Kristiyanong Katoliko sa pamamagitan ng pagpahid sa noo sa tuwing sasapit ang Ash Wednesday.
Ang abong ipinapahid sa noo ng bawat Katoliko ay nagmula sa sinunog na palaspas na sumisimbolo sa kapaniwalaan na “ang tao ay nagmula sa alabok, at sa alabok rin babalik”. Ayon sa Bibliya, ang abo ay tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob.
Ang krus naman na ipinapahid sa noo gamit ang abo ay tanda ng pagliligtas at walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa mga tao.
Pero ano nga ba ang kahulugan ay kahalagahan ng Ash Wednesday? Sabi sa isang kasulatan, ang paglalagay ng abo na hudyat ng Kwaresma ay isang debosyon at obligasyon na dapat gawin ng mga naniniwala sa ebanghelyo.
Kapag ang isang tao ay nilagyan ng abo sa noo, kailangan siya ay magsisi, maniwala at manampalataya kay Hesukristo kasabay ng pagpapatawad at pagtanggap nang walang pag-aalinlangan sa kapangyarihan at walang hanggang pagmamahal ng Panginoong Diyos.
Ang panahon ng Kwaresma ay ang paggunita at pagpapahalaga sa Resureksyon ng Panginoong Hesus kasabay ng pag-aayuno at ang pagngingilin.
Base sa isang website, ang pag-aayuno (o fasting) ay ang hindi pagkain ng kumpleto sa mga araw ng Kwaresma. Pwedeng kumain lamang nang isang beses sa buong araw.
Ang pagngingilin naman (abstinence) ay ang pag-iwas sa pagkain ng karne sa panahon ng Kwaresma. Pero pwedeng kumain ng karne ng isda.
Sa isa namang artikulo na tumatalakay sa Lenten Season at Ash Wednesday, ipinagdiinan dito ang tunay na mensahe ng Kwaresma.
Itinuturing itong paalala sa ginawang pagpapakasakit ni Hesukristo kabilang na ang kanyang pagkamatay sa krus upang iligtas ang sangkatauhan sa mga nagawang kasalanan.
Pagkalipas ng tatlong araw Siya ay nabuhay muli upang ihayag na Siya ang makapangyarihang buhay na Diyos at naluklok sa kanan ng Diyos Ama.
Siya ang tanging daan, ang katotohanan at ang buhay. Nagpunta siya sa kalangitan upang ihanda ang magiging lugar ng sangkatauhan at kung sino man ang sumampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Samantala, narito naman ang iba’t ibang kaganapan sa pagsapit ng Semana Santa o Kwaresma.
1. Pagsisimba at pagsisisi sa mga nagawang kasalanan
2. Pangungumpisal
3. Pagsali sa mga prusisyon na ginagawa ng simbahang katoliko
4. Pagsali sa mga Pabasa
5. Pagbisita Iglesya sa 7 o 14 na simbahan upang dasalin ang 14 na mga Istasyon ng Krus.
6. Pagpunta sa mga retreat o rekoleksyon na isinasagawa sa ating mga parokya
The post #AshWednesday2025: Bakit nagpapahid ng abong krus sa noo? appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments