Charlie Dizon muntik maging K-Pop star bago sumikat sa showbiz

Muntik na pa lang maging K-pop star ang award-winning actress na si Charlie Dizon!
Bago ang showbiz, ibang-iba pala ang unang tinahak na landas ng aktres mula sa pag-aaral ng Nursing sa University of Santo Tomas (UST) hanggang sa pagpunta sa South Korea para subukang maging K-Pop artist.
Sa panayam niya sa “Oh My Gan!”, binalikan ni Charlie kung paano naging malaking turning point sa kanyang buhay ang isang pangarap na hindi natuloy.
Bago pa man mapasok sa entertainment industry, seryoso raw si Charlie sa kursong Nursing.
Baka Bet Mo: Carlo Aquino mas na-in love pa kay Charlie dahil sa pagmamahal nito kay Mithi
“Nag-nursing muna ako sa UST. Tapos umabot akong two years,” sey niya.
“Gusto kong mag-Med talaga. Kasi hindi ko naman talaga ine-expect na makakapasok ako sa showbiz,” pag-amin niya.
Pero nagbago ang lahat nang ipakilala sa kanya ng isang kaklase ang Korean dramas at K-Pop.
“Hanggang sa may nagpa-audition na Korean agency talaga. Tapos nag-audition ako,” pag-alala niya
“So nagpaalam ako sa Nursing sa UST na mag-aartista po ako,” chika niya.
Nakarating si Charlie sa South Korea at sumailalim sa training.
Sa una, nanatili siya roon gamit ang tourist visa habang tinitingnan ng agency kung kakayanin niyang manirahan sa Korea.
“Tine-test ako kasi if kaya kong tumira talaga doon. Kasi ‘yung iba daw sumusuko, hindi kaya ‘yung food, ‘yung culture,” kwento niya.
Pero nang dumating na ang usapin tungkol sa mga dokumento para makapagtrabaho siya roon, nagkaroon ng problema sa kontrata.
“Parang gusto nila, pag-working, working. Pag-training, training lang,” paliwanag niya.
“So parang umabot sa gusto nila i-fake na ‘yung contract. Siyempre ayaw ng mommy ko. So hindi na ako tumuloy,” saad niya.
Dagdag niya, “Nung hindi natuloy ‘yung Korea, talagang hiyang-hiya din ako. ‘Yung parang, ‘Ha, anong sasabihin ko? Sabi ko mag-aartista ako sa Korea’.”
Pero sa halip na doon matapos ang kanyang pangarap, doon pala magsisimula ang tunay niyang destinasyon.
Pagbalik niya sa Pilipinas, nagsimula siyang dumalo sa public workshops ng Star Magic habang ipinagpapatuloy rin ang kanyang pag-aaral.
Dito rin siya unti-unting nakapasok sa commercial work matapos siyang ipakilala ng isang kapwa workshop participant.
Kalaunan, natapos niya ang kursong Human Resource Management sa De La Salle-College of Saint Benilde.
“Kailangan magtapos ako mag-aaral. Hindi pwedeng nag-aartista,” lahad ni Dizon na naging kundisyon ng kanyang ina.
“Gusto ko ng stability rin sa life. So feeling ko ‘yung Human Resource noon, parang kahit saang company, may Human Resource,” esplika pa niya.
At tila tama nga ang desisyong iyon dahil kalaunan, unti-unting bumukas ang mas malaking pinto para sa kanya sa industriya.
Isa sa nagpabago sa career ni Charlie ang pelikulang “Fan Girl,” kung saan nakuha niya ang Best Actress award sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Pero imbes na basta magdiwang, nakaramdam pa siya ng pressure matapos ang malaking pagkilalang natanggap.
Ayaw raw niyang isipin ng mga tao na nagkataon lang ang kanyang pagkapanalo.
“Ayaw kong magmukha siyang tsamba lang… na parang dahil lang sa project na yun, bigla akong nanalo,” sambit niya.
Kaya naman hanggang ngayon, dala pa rin niya ang parehong determinasyon sa bawat role na kanyang tinatanggap.
“Kailangan love mo ‘yung acting din talaga, yung ginagawa mo,” lahad ni Charlie.
“I think meant to be din na nandito ako talaga,” aniya pa.
The post Charlie Dizon muntik maging K-Pop star bago sumikat sa showbiz appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments