Janeena Chan tinamaan ng Bell’s Palsy dahil sa ngaragang trabaho

INALALA ng Kapuso host na si Janeena Chan ang araw nang tamaan siya ng Bell’s Palsy na biglang nagpabago sa kanyang lifestyle.
Mas pinahahalagahan na ngayon ni Janeena ang kanyang kalusugan over work dahil sa naranasan niyang health scare 10 years ago.
Nakachikahan ng ilang members ng entertainment media si Janeena, kabilang na ang BANDERA, nang i-launch siya kamakailan bilang pinakabagong celebrity ambassador ng BlueWater Day Spa.
Nakasama rin ni Janeena sa naturang event ang mga kapwa niya endorser na sin David Licauco, Fabio Ide, Ellen Frojd, at Teejay Marquez na ginanap sa Eton Greenhills branch.
Dito nga naikuwento ni Janeena na nagkaroon siya ng Bell’s Palsy sa edad na 23, nang sobra-sobra ang ginagawang trabaho to the point na halos wala na siyang rest at madalas na nagpupuyat.
Ito raw ang nagsilbing wake-up call sa dalaga upang maghinay-hinay sa pagtatrabaho.
Ang Bell’s Palsy ay isang kondisyon na nagdudulot ng biglaang panghihina o paralisis sa mga kalamnan sa isang bahagi ng mukha, na kadalasang humahantong sa paglaylay o kahirapan sa paggalaw ng mga kalamnan sa mukha.
Bagama’t iba-iba ang eksaktong dahilan nito, ang stress at kawalan ng pahinga ay maaaring magpalala sa pangkalahatang kahinaan ng isang tao.
“Kapag feeling ko mai-stress ako or feeling ko I’m getting more than I can commit to, parang huwag na lang,” pahayag ni Janeena.
“Naka-10 years na pala. At the time, I was super busy, pero hindi ‘yung busy in a healthy way pala,” dugtong ng host.
Saad pa ni Janeena, walang pinipiling edad ang Bell’s palsy, “It can happen to anyone talaga. Kahit sino puwedeng ma-paralyze ang face just because of stress and not having enough sleep.”
Rebelasyon pa ng Sparkle artist, dinedma lang niya ang mga signs and symptoms ng Bell’s Palsy tulad ng pagkibot ng mata at tila ringing sensation sa tenga.
Natakot si Janeena at sobra-sobra ang pag-aalala nang maranasan at nasabing kondisyon, “Naisip ko baka hindi na bumalik ‘yung face ko, baka tabingi na siya. ‘Yung mga nakikita natin minsan, na parang ngumingiwi.”
Mabuti na lang daw at naagapan ito matapos mabigyan ng agarang medical attention kaya mabilis siyang gumaling.
Sumailalim siya sa kombinasyon ng paggamot tulad ng acupuncture, electric stimulation therapy, at facial exercises para mabilis mapanumbalik ang paggalaw.
Malaking bahagi rin ang therapy na nakukuha niya mula sa BlueWater Spa. Ang malumanay na masahe ay lubhang kapaki-pakinabang.
Nakatutulong iyon na maiwasan ang paninigas ng kalamnan, pinapabuti ang sirkulasyon ng dugo, at nagtataguyod ng pagpapahinga sa panahon ng pagbawi ng nerve.
Karaniwan itong sinasamahan ng mga pagsasanay sa mukha upang mapanatili ang pagiging malambot at paggalaw-galaw.
At siyempre, ang pinakamahalaga, ang pananampalataya kay Lord, “Grabe ‘yung pag-pray ko. It was really a test for me. I prayed a lot talaga. Kasi, siyempre, mayroon pa akong mga deadline, may mga work pa akong nakalatag.
“Parang I told myself, dapat in one month gumaling na ako. Gumaling naman ng dahan-dahan,” saad ni Janeena.
Sinabi rin ni Janeena na kung hindi niya naagapan at binigyang lunas ang nangyari sa kanya, posibleng hindi siya agad nakabalik sa dati.
“Pahinga talaga. Kung noon pwede pa akong magpuyat, ngayon hindi na talaga,” sey ng dalaga.
Kaya swak na swak ang pagkakasama ni Janeena bilang ambassador ng BWDS. Sa isang industriya na naging karaniwan na ang mahabang araw ng shooting, maraming schedules, ang paglalaan ng oras para sa wellness ay tunay na mahalaga.
Malaking tulong ito sa kanya sa panunumbalik ng kanyang wellness. Naaayon din kasi ito sa kanyang sariling adbokasiya para sa kabutihan at positibong pamumuhay.
The post Janeena Chan tinamaan ng Bell’s Palsy dahil sa ngaragang trabaho appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments