Responsive Ad

Itlog, kuneho bidang-bida rin tuwing Easter Sunday, ano’ng konek?

Itlog, kuneho bidang-bida rin tuwing Easter Sunday, ano'ng konek?
Stock photo

MGA ka-BANDERA, knows n’yo ba kung bakit itlog at kuneho ang bumibida sa tuwing ipinagdiriwang ng buong mundo ang Easter Sunday?

May ilan kaming kakilala na pinagtanungan tungkol dito, at anim sa 10 taong sumagot ay nagsabing hindi pa nila alam kung bakit.

Isini-celebrate ng mga Kristiyano ngayong araw ang Linggo ng Pagkabuhay ni Hesukristo o Easter Sunday na siyang tanda ng katapusan ng Holy Week o Mahal na Araw.

Sa Bibliya, matapos ipako sa krus at mamatay ay muling nabuhay si Hesus makalipas ang tatlong araw. Ito rin ang representasyon ng pagtupad ng Diyos Ama sa kanyang pangakong  manunubos sa sanlibutan.

Ngayong Easter Sunday, naging bahagi na ng pagdiriwang ang Easter egg hunting kung saan kinukulayan ang mga tunay na itlog pati na ang mga plastik na may laman namang candy o chocolate. 

Karaniwang itinatago ang mga egg sa Easter Bunny at doon na magsisimula ang Easter egg hunt.

Ang mga itlog sa Easter ay sumisimbolo sa bagong buhay, muling pagkabuhay ni Hesukristo, at ang kanyang libingan na wala nang laman. 

Walang direktang basehan sa Bibliya ang tradisyong ito, pero nagsimula itong gawin ng mga sinaunang Kristiyano bilang simbolo ng pagtatapos ng pag-aayuno (Lent) at ang pagsibol ng buhay sa panahon ng tagsibol (spring). 

Sa sinaunang tradisyon, ang mga itlog ay kinukuluyan ng pula para alalahanin ang dugo ni Kristo na ibinuhos noong siya ay ipako sa krus.

Narito ang ilang mahahalagang dahilan kung bakit itlog ang bumibida tuwing Easter Sunday.

*Simbolo ng Bagong Buhay at Pagkabuhay – ang itlog ay nagmumukhang patay o walang buhay sa labas, ngunit may buhay na sumisibol sa loob, na inihahalintulad sa muling pagkabuhay ni Hesus.

*Walang Lamang Libingan (Empty Tomb) – ang nabasag na itlog ay sumisimbolo sa walang lamang libingan ni Hesus matapos siyang mabuhay matapos ipako at mamatay sa krus.

*Panahon ng Tagsibol (Spring) – ang Easter ay nagaganap sa panahon ng tagsibol kung kailan ang kalikasan ay nagkakaroon ng bagong buhay pagkatapos ng taglamig, at ang mga ibon ay nagsisimula nang mangitlog. 

Kasunod nga nito ay ang pagsisimula ng tradisyon ng paghahanap ng itlog tuwing Linggo ng Pagkabuhay upang ipagdiwang ang panibagong buhay at pag-asa. 

Samantala, ang kuneho o bunny naman, batay sa mga pag-aaral at ancient symbols, ay sumisimbolo sa buwan, fertility at new life.

Base sa nakasulat sa What is Easter: Understanding the History and Symbols” ni Susan E. Richardson, ang Easter ay ginugunita kasunod ng first full moon o Pachschal full moon. 

Wala naman talagang nakasulat sa Bibliya ang konek na kuneho sa Pasko ng Pagkabuhay pero may kaugnayan umano ito sa kapistahan ni Eostre. Sa mga pagano, siya ang kinikilalang diyosa ng pagbubuntis o pagdadalang-tao.

Taong 1700 daw nagsimulang ikonek ang bunny sa Pasko ng Pagkabuhay na siya ring panahon ng pagdating ng mga German sa Pennsylvania. 

Sila ang nagdala roon ng paniniwala tungkol sa kunehong nangingitlog na kung tawagin ay “Osterhase” o  “Oschter Haws.”

At dito na nga tinuruan ang mga bata na gumawa ng pugad kung saan maaaring mangitlog ng iba’t ibang kulay ang mga kuneho at ang kapalit naman nito ay nireregaluhan sila ng candy at chocolate. 

Hanggang sa kumalat na nga ang tradisyong ito sa iba’t ibang panig ng mundo.

The post Itlog, kuneho bidang-bida rin tuwing Easter Sunday, ano’ng konek? appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments