Arron Villaflor hindi nagpalamon kay Archi Adamos sa ‘Pater Noster’
BIGO ang ilang miyembro ng entertainment media na ma-interview si Arron Villaflor patungkol sa kumalat na private video niya sa social media.
Present ang aktor sa naganap na premiere night ng bago niyang pelikula under Viva Entertainment and LGK Films, ang action-drama na “Pater Noster (Our Father).”
In fairness, mukhang “unbothered” naman ang awra ni Arron nang rumampa sa red-carpet premiere ng “Pater Noster (Our Father)” na naganap sa Cinema 2 ng SM Megamall sa Mandaluyong City, last Monday, March 23.
Panay ang pagsigaw niya ng “I love you all” at flying kiss sa mga taong naghintay sa kanya sa event, kabilang na riyan ang kanyang ArroNation fans club.
Paulit-ulit din ang pasasalamat niya sa lahat ng mga nagpunta at sumuporta sa premiere night ng kanyang pelikula.
Kaya nga lang, hindi na kami nabigyan ng pagkakataon pati na ang ilan pang miyembro ng media na imbitado sa event, na makachikahan nang one on one si Arron.
Manghihingi sana kami ng follow-up tungkol sa pagkalat ng private video niya na pinagpiyestahan ng mga netizens sa socmed.
Nauna nang sinabi ni Arron na biktima siya ng unauthorized recording at illegal distribution ng private video na paglabag sa Republic Act No. 9995.
“The matter has now been formally referred to the proper authorities for proper investigation.”
Samantala, pinalakpakan naman ng audience ang “Pater Noster” pagkatapos ng screening nito sa naganap na premiere night.
Bukod kay Arron, naroon din ang co-stars niyang sina veteran actor Archi Adamos at fight choreographer at stunt woman na si Kayley Carrigan pati na ang kanilang direktor na si Moutaz Kotrob.
Maaksyon at madrama ang pelikula kung saan nagbardagulan sa akting sina Archi at Arron na gumaganap bilang mag-ama.
Talagang hindi nagpalamon si Arron sa husay ng beteranong aktor na first time naming napanood bilang bida-kontrabida sa isang maaksyong pelikula.
Madugo, bayolente at talaga namang pasabog ang maaaksyong eksena sa “Pater Noster” pero may pambalanse naman kahit paano ang movie, iyan ay ang ilang nakakatawang paandar ni Arron matapos siyang bigyan ng second chance to live.
Iikot ang kuwento ng “Pater Noster” matapos makaligtas sa kamatayan ang anak ng isang mafia boss na tumututol sa kagustuhan ng kanyang ama at ayaw makibahagi sa gawaing kriminal. Ang pagtutol na ito ay magdudulot ng mas matinding karahasan.
Hindi nagtagumpay ang balak na asasinasyon kay Peter (Arron), pero naging malubha pa rin ito. Pagkatapos masalinan ng dugo, nag-iba na ang kanyang personalidad at hindi ito katanggap-tanggap kay (Archi) Deo.
Para matigil na si Peter sa pag-astang bakla, prostitute, at duwag, magsisimula ng gulo si Deo sa siyudad ng Milagros para makakuha ng dugo ng isang sanggano.
Makukuha ang dugo, pero ang grupo ni Deo na Alpha-Agila ay malalagas kaya mapipilitan silang magtago sa malayong isla. Doon, mas titindi ang pagnanais ni Peter na mamuhay nang mapayapa.
Samantala, pinaghahandaan na agad ni Deo ang kanilang muling paglusob sa Milagros.
Dahil sa magkaiba na ang kanilang prinsipyo at layunin, magiging magkalaban na rin ang mag-ama. Makadadagdag pa sa tensyon ang biglang pagsulpot ni Catherine (Kayley), ang anak ni Deo na matagal na niyang kinalimutan. Ngayon, kanino kaya siya papanig?
Ilang beses nang napatunayan ni Arron ang kakayanan niya sa pagsasabuhay ng iba’t ibang karakter dahil sa dami ng nagawa niyang primetime drama, soap opera, at pelikula.
Ngayon, tiyak na mabibihag niya ang mga manonood sa ipakikitang lalim na emosyon bilang Peter.
Kilala naman ang beteranong aktor na si Archi Damos sa kanyang pagiging natural sa pag-arte. Kahit sa mga supporting roles ay nagmamarka ang kanyang pagganap, at ngayong siya ang bidang si Deo, siguradong isa na naman itong karagdagan sa kanyang matagumpay na karera.
‘Wag palampasin ang “Pater Noster” sa mga sinehan na showing na ngayong araw, March 25.
The post Arron Villaflor hindi nagpalamon kay Archi Adamos sa ‘Pater Noster’ appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments