Shuvee matindi mga bubog sa buhay, ayaw magkaanak dahil sa magulang

Trigger warning: Mention of domestic violence
MALALIM ang hugot ng Kapuso actress at TV host na si Shuvee Etrata sa naging buhay niya noong hirap na hirap pa ang kanilang pamilya.
Tuluy-tuloy ang pagtulo ng luha ng dating “PBB Celebrity Collab Edition” housemate nang ibahagi niya ang matinding hirap at sakripisyo na pinagdaanan niya para sa kapakanan ng mga mahal niya sa buhay.
Inamin ni Shuvee na totoong sumama ang loob niya sa kanyang mga magulang sa YouTube vlog ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda. Naranasan niya ang pagkakaroon ng toxic na pamilya.
Siyam na magkakapatid sina Shuvee kaya hirap na hirap ang parents niya na buhayin sila, “My dad, wala po siyang work and yung mom ko naman po, ayun, buntis lang nang buntis before.
“Yun po yung naging hatred ko kay Mama. Bakit ba ginawa kaming siyam? E, lima pa lang kami noon, hirap na kami, tapos nag-anak sila nang nag-anak. Never silang tumigil, yun po yung bubog ko,” ani Shuvee na tubong-Bantayan Island, Cebu.
Nasaksihan din niya ang pagiging bayolente ng ama sa tuwing nakakainom, “Abusive yung father ko lalo na pag nalalasing.
“Sinasaktan niya mom ko, and ako rin po nasasaktan. Pag nalalasing kasi siya, nag-iiba si Dad,” rebelasyon pa ng dalaga.
“Ayaw ko nga magkaanak, e. Ganu’n yung level ng trauma yung nabigay ng parents ko sa akin.
“Sabi nila, di ba, hindi nabibili ng pera yung kasiyahan? Pero para sa akin talaga, nabibili niya talaga kasi hirap talaga ng buhay namin.
“Yes, masaya kami, pero yung trauma. Lahat kaming magkakapatid, goal ng lahat naming magkakapatid umalis ng bahay.
“Ako nakaalis na, yung kapatid ko naglayas, alam mo yung ganu’n? Kasi lang, kulang kami sa pera, hindi kulang sa aruga ng magulang.
“Yung naranasan ko, it made me a better person. Ngayon, alam ko na paano ako magiging mabuting ina sa mga future kong anak, kung meron man. Ngayon lang ako nakatatanggap ng pagmamahal kasi sa sobrang bigat ng dinanas ko,” lahad pa ni Shuvee.
Hanggang sa nagdesisyon na siyang lumuwas ng Maynila para tuparin ang pangarap niyang pasukin ang showbiz pero hindi naging madali ang lahat para sa kanya. Dumaan din siya sa mga pagsubok
“Nagkaroon ako ng mental health issue. Yun yung I was living alone. Yun yung parang struggle ko nu’ng una. Tapos pinili ko siya (manirahan sa Maynila para sa pangarap), it was my decision. Pero ang consequence nu’n, it was me having a hard time,” sabi ng aktres.
“Yung hirap ko talaga nung mga unang year ko, yun yung mga dinanas ko. Three years ako dito sa Manila, hindi ako kinausap (ng tatay ko). Pag nagtsa-chat kami, humihingi ng pera. So, may bubog po talaga ako,” aniya pa.
May mga naging projects naman si Shuvee sa GMA pero feeling niya, hindi pa ito sapat sa mga pangangailangan niya, “Kaya I was praying, ‘Lord, bilisan mo na yung pagbigay ng blessing matanggal ko na yung nanay ko sa bahay.
“Kasi di niya maiwan-iwan tatay ko. ‘Lord, bigyan mo lang ako ng pagkakataon, ako na bahala sa lahat. Kahit di Mo na ko bigyan ng asawa,'” ang dasal ni Shuvee.
Hanggang sa dininig na nga raw ng Diyos ang kanyang dasal nang maging housemate sa matagumpay na “PBB Celebrity Collab Edition.”
Paglabas niya ng Bahay ni Kuya ay nagsunud-sunod na ang pagdating ng mga opportunity sa kanya, kabilang na ang pagkakaroon ng endorsements.
Naging tulay din ang “PBB” para unti-unting maayos ang relasyon niya sa kanyang pamilya. Matatandaang nagpadala ng sulat ang tatay niya habang nasa loob pa siya ng PBB house.
Humihingi ng paumanhin sa kanya ang ama sa mga pagkukulang nito sa kanilang pamilya.
“Tapos paglabas (ng PBB house), I was able to hug him. Hindi niya alam kung gaano kabigat yun sa akin, pero hinug ko siya. Mahal ko talaga tatay ko. Nasasa-sad ako para sa kanya kasi feeling ko kaya naman niyang maging better father.
“Pero yung opportunities lang sa kanya, feeling ko hindi lang siya nabibigyan ng pagkakataon,” ang naluluhang sabi ni Shuvee.
Sa ngayon, maayus-ayos na raw ang relasyon niya sa kanyang mga magulang, “Although it’s getting better, kasi right now forgiving them pala, I’m not doing it for them pala, it’s for me.
“Ang importante ngayon magandang buhay para sa mga kapatid ko…so if you ask about my relationship, hindi pa rin po siya okay, pero it’s getting better.
“Malaki pa rin po ang puso ko na mahalin sila kahit na nandun yung hate. Mas malaki pa rin po yung parte na mahal ko sila,” ang pagbabahagi pa ni Shuvee Etrata na napapanood ngayon sa hit Kapuso series na “Encantadia Chronicles Sang’gre.”
The post Shuvee matindi mga bubog sa buhay, ayaw magkaanak dahil sa magulang appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments