PWD, senior, estudyante mas pinadali pagkuha ng 50% fare discount

GOOD news para sa lahat ng senior citizens, persons with disabilities (PWD), at estudyante na palaging sumasakay sa MRT-3, LRT-1 at LRT-2!
In fairness, hindi n’yo na kailangang mag-fill out pa ng form upang mabigyan ng 50% fare discount, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Kinumpirma ni DOTr Secretary Vince Dizon, na simula kahapon, August 12, ay hindi na kailangang mag-fill out ng form dahil nagiging sanhi lamang ito ng abala at aksaya sa oras ng mga pasahero.
“Sinilip ko ‘yung estudyanteng nag-fill out ng form, inabot ng kulang-kulang 1 hanggang 1 minute 30 seconds para lang sa form.
“Sayang ‘yung oras ng estudyante at ng ibang pasahero,” ang pahayag ni Dizon.
Ayon pa sa transport chief, nakatakda ring makipagtulungan ang Department of Transportation sa Commission on Audit (COA) para i-digitalize ang information-gathering.
“Tinutulak ng Pangulo ang digitalization, dapat makabago na ang pagkuha ng ganitong simpleng requirement. Progressive naman si COA Chairman (Gamaliel) Cordoba kaya alam natin isusulong niya rin ito,” aniya pa.
Sa bagong kautusang ito, ay kailangan na lang daw iprisinta ng mga estudyante ang kanilang school ID ngayong school year 2025-2026 habang ang mga senior citizens at PWD naman ay ang kanilang goverment-issued ID.
Samantala, ibinalita rin ni Dizon na maglalabas ng special Beep Card ang DOTr sa darating na Setyembre para sa mga senior citizen, PWD, at estudyante kung saan automatic nang nakaprograma ang 50% fare discount.
The post PWD, senior, estudyante mas pinadali pagkuha ng 50% fare discount appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments