Ryza Cenon tinatawanan na lang naging away nila noon ni Jennylyn Mercado

SINIGURO ni Ryza Cenon na wala na silang isyu o kahit anong away ngayon ng Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado.
Matagal na raw natapos ang hindi nila pagkakaunawaan noon lalo’t pareho na rin silang may sari-sariling pamilya ngayon.
Muling nagbalik si Ryza sa GMA Network makalipas ang pitong taon upang mag-guest sa “Fast Talk with Boy Abunda” kung saan nga napag-usapan ang ilang kontrobersiyang kinasangkutan niya noon.
Sa mga hindi pa masyadong aware, si Ryza ang itinanghal na Ultimate Female Survivor sa ikalawang season ng original reality artista search ng GMA 7 na “StarStruck.”
Mula nang manalo siya sa naturang reality talent competition ay nagsunud-sunod ang mga projects niya sa Kapuso Network.
Ang pinakanagmarka sa manonood ay ang pagganap niya bilang Georgia bilang main kontrabida sa hit GMA Afternoon Prime series na “Ika-6 Na Utos” na ipinalabas mula December 5, 2016 hanggang March 17, 2018. Nakasama niya rito sina Sunshine Dizon at Gabby Concepcion.
Sa interview nga sa kanya ng King of Talk na si Boy Abunda, nagkaungkatan nga ng past. Partikular na naitanong kay Ryza ang naging hidwdaan nila noon ni Jennylyn.
Kung hindi kami nagkakamali, nagsimula ang issue kina Ryza at Jennylyn nang ma-link ang una kay Mark Herras habang magdyowa pa sila ni Jen.
Nagselos umano si Jennylyn nang bonggang-bongga at may nasabing hindi maganda kay Ryza na naging simula ng hindi nila pagpapansinan.
Pero sey ni Ryza matagal nang tapos ang kanilang away dahil pareho na silang nag-mature at pareho na ring nanay.
“Wala na po ‘yun, tapos na po ‘yun. May pamilya na po kami, may mga anak na po kami,” aniya.
Dagdag niya, dala lang ito ng kanilang kabataan at sa katunayan tinatawanan na lang nila ngayon ni Jennylyn ang nasabing isyu.
May isang anak na ngayon si Ryza sa partner niyang cinematographer na si Miguel Cruz, si Night.
Si Jennylyn naman ay kasal na kay Kapuso Drama King Dennis Trillo at biniyayaan ng isang anak, si Dylan. Pareho rin silang may isang anak sa mga dating karelasyon.
The post Ryza Cenon tinatawanan na lang naging away nila noon ni Jennylyn Mercado appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments