Esnyr nagkamali ng diskarte sa pera, gastos nang gastos: Wala akong naipon

NAGKAMALI ang dating “PBB Celebrity Collab Edition” housemate na si Esnyr sa paggastos ng kanyang kinikitang pera mula sa pagiging content creator.
Iyan ang inamin ng sikat na vlogger at social media influencer sa pakikipagchikahan sa kanya ni Ogie Diaz na napapanood sa YouTube channel nito.
Ayon kay Esnyr, grabe rin ang pinagdaanan niyang isyu pagdating sa pera at marami raw ang hindi nakakaalam ng tunay na nangyari sa kanya when it comes to financial matters.
Tulad ng pagpapakatotoo niya sa loob ng Bahay ni Kuya, nagkautang-utang din siya nang magsimulang mamuhay dito sa Maynila, pati na ang pamilya niya sa Davao.
Ayon kay Esnyr, aware siya na inaakala ng madlang pipol na rich na rich na siya ngayon dahil sa laki raw ng kinikita niya bilang vlogger at artista.
“Naging financial irresponsible din po ako. Kasi, hindi naman po talaga tayo perfect. Eh, lalo na po ako nu’ng galing po ako sa probinsya, first time ko nakahawak ng pera,” rebelasyon ni Esnyr.
Pagpapatuloy pa niya, “Opo, gastos po talaga. Kaya nag-end up na wala akong naipon. ‘Yun ‘yung pumasok po ako sa PBB.
“Kasi, gusto ko po na malaman ng tao po talaga ‘yung story ko, at ‘yung mga pinagdadaanan ko din po behind the characters na nakikita nila at ‘yung content po na nakikita nila online,” lahad pa niya.
Nagsalita rin siya tungkol sa balitang nakatira siya sa isang bonggang condo na nirerentahan niya ng P75,000 every month.
Aminado naman ang dating PBB housemate na tumira siya noon sa isang mamahaling apartment, “‘Yung time po na sobrang dami po kasi namin props sa ginagawa ko pong content. Tapos dati po, nagwa-one bedroom lang po talaga ako.
“Ayun sobrang dami tapos may kasama pa po ako sa bahay, so kailangan ko po mag-upgrade ng bigger space. Tapos ‘yung easiest way is nasabi sa akin ng broker na meron daw available na unit sa taas, sa same building,” pagpapatuloy ni Esnyr.
Ngunit ayon sa vlogger, nagkamali siya sa kanyang diskarte, “Isa po ‘to sa mistake, honest mistake, na ginawa ko po. Kasi at that time, nu’ng in-offer po sa akin noon, I have enough money.
“Pero hindi ko po na-realize na hindi ko siya kayang mapapanindigan talaga in the future.
“Kasi, feeling ko po kasi at that time, spend lang ako nang spend na may babalik at may babalik lang sa akin. Kaya super honest po talaga ko na naging mali ko po ‘yun at isa sa mga pinagsisisihan ko po talaga ‘yun.
“Kaya siguro nami-misjudge ako ng iba or naguguluhan ‘yung iba. Kasi bakit nakikita po nila doon sa PBB nga na lumalaban ako for the money. Akala nila lavish ‘yung buhay ko po dito,” aniya pa.
Hanggang sa kinailangan na nilang iwan ang naturang apartment matapos ang kanilang kontrata.
“Akala ko po talaga dati na laging may darating na money. Pero darating din po pala ‘yung araw na walang dadating. Kaya kung may chance ka na mag-ipon, you save it for the rainy days.
“Kapag darating po ‘yung araw na babawiin sa ‘yo ni Lord ‘yung opportunity ganyan, at least may naipon ka sa sarili mo,” pahayag pa ni Esnyr.
The post Esnyr nagkamali ng diskarte sa pera, gastos nang gastos: Wala akong naipon appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments