Responsive Ad

PBBM sa mga korap: Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!

PBBM sa mga korap: Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!
Pangulong Bongbong Marcos at ang ilang lugar na binara dahil sa bagyo at habagat

TINIRA-TIRA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang umano’y mga corrupt sa flood control project ng pamahalaan.

Ang mga taong ito raw ang dapat sustain kung bakit lumala ang malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga probinsya matapos ang mga nagdaang bagyo at habagat.

Sa kaniyang 4th State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, July 28, ibinalita ng Pangulo na nabuking niya sa kanyang pag-iinspeksyon ang resulta ng corrupt na pagpapatupad ng naturang proyekto.

“Kamakailan lamang, nag-inspeksyon ako sa naging epekto ng habagat, ng bagyong Crising, Dante at Emong. 

“Kitang-kita ko ang maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho. At yung iba, guni-guni lang,” ang bahagi ng speech ni PBBM sa kanyang SONA.

Lantaran din niyang binanggit ang mga isinagawang modus ng mga bagpapatupad ng flood control project sa bansa.

“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla, na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. 

“Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapuwa Pilipino!” ang sabi ni Pangulong Bongbong.

Pagpapatuloy pa niya, “Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n’yo lang ang pera!” 

Samantala, lumubo na sa 31 katao ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi dahil sa pananalasa ng habagat at ng mga bagyong “Crising,” “Dante” at “Emong,” ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ngunit nilinaw ng ahensya na bineberipika pa ang 29 sa nabanggit na bilang at siyam sa mga ito ay sa Metro Manila, anim sa Western Visayas, lima sa Calabarzon, tatlo sa Negros Island Region, tig-dalawa sa Central Luzon at Northern. MIndanao at tig-isa sa Davao Region at Mimaropa.

Umakyat din sa 1,751,776 ang bilang ng mga apektadong pamilya at ito ay binubuo ng 6,276,280  na indibiduwal na naninirahan sa 6,727 na barangay.

May 15,309 na bahay ang napinsala at 1,652 sa mga ito ang nawasak.

Tinataya naman na higit P7 bilyon na ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura at sa sektor ng agrikultura.

The post PBBM sa mga korap: Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino! appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments