Duterte nag-vid call sa ICC pre-trial; hearing ng ‘confirmation of charges’ sa Sept. 23

INQUIRER file photo
DAHIL sa kondisyon sa kalusugan, ang dating Pangulong Duterte ay hindi nakadalo nang personal sa pre-trial hearing ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay naganap kagabi, March 14, sa The Hague sa Netherlands kung saan kasalukuyang nakakulong ang dating presidente.
Ayon kay dating Executive Secretary Salvador Medialdea na nagsilbing legal counsel ni Duterte, may malubhang karamdaman ang dating pangulo at mahina na ang kanyang pandinig at paningin.
Dahil dito, dumalo ang former chief executive sa pamamagitan ng video call.
Ngunit matapos suriin ng mga doktor sa ICC Detention Center, sinabi ni Presiding Judge Iulia Motoc na natukoy nilang may maayos itong kalagayan.
Baka Bet Mo: TIMELINE: ‘War on Drugs’ ni Duterte hanggang pag-aresto, kaso sa ICC
Ang paglalarawan pa nga ni Motoc, si Duterte ay “fully mentally aware and fit.”
“The doctors who consulted with you were of the opinion that Mr. Duterte was not in a position to come to the hearing physically but that if he gave a written permission, he would be able to take part via video link,” paliwanag ng presiding judge.
Samantala, itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing para kay Duterte sa September 23.
Sa pagdinig na ito, maaari niyang labanan ang mga akusasyon, kwestyunin ang ebidensya ng prosekusyon, at ibandera ang sariling ebidensya.
Ayon kay Motoc, kung hindi makumpirma ang mga kaso laban kay Duterte, hindi na magpapatuloy ang paglilitis.
Sinabi rin niya na bago magsimula ang nasabing hearing, maaaring maghain si Duterte ng aplikasyon para sa “interim release” o pansamantalang pagpapalaya habang dinidinig ang kaso.
Ang dating pangulo ay dumating sa Netherlands noong March 12 at agad na dinala sa ICC Detention Center sa Scheveningen, The Hague.
Hinuli siya alinsunod sa arrest warrant ng ICC kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na umano’y naganap sa Pilipinas mula November 1, 2011 hanggang March 16, 2019.
Sa panahong ito, kasapi pa ang Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC.
Bagama’t idineklara ni Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong March 2018 na naging epektibo matapos ang isang taon o noong March 2019.
Dahil dito, pinanatili ng ICC ang hurisdiksyon nito sa mga kasong naganap bago pa man opisyal na mag-back out ang bansa sa naturang kasunduan.
Sa ilalim ng war on drugs o Oplan Tokhang ng administrasyong Duterte, mahigit 6,000 katao ang nasawi batay sa datos ng gobyerno.
Gayunpaman, tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000 ang totoong bilang ng mga nasawi mula 2016 hanggang 2019, ayon sa mga human rights watchdog at ICC prosecutor kung saan marami sa mga ito ay pinaniniwalaang extrajudicial killings.
The post Duterte nag-vid call sa ICC pre-trial; hearing ng ‘confirmation of charges’ sa Sept. 23 appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments