MMFF Parade of Stars sa CAMANAVA tagumpay; 10 entry pabonggahan ng float
MULI naming na-experience kahapon ang mag-cover ng Metro Manila Film Festival Parade of Stars na ginanap sa CAMANAVA area.
In fairness, kahit nakakapagod at nakaka-stress, nag-enjoy pa rin kami sa halos apat na oras na pagparada ng 10 nagbobonggahang float mula sa mga pelikulang kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival.
Nakakaloka ang dami ng taong matiyagang nag-abang sa kahabaan ng mga kalye sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela para lamang makita ang mga paborito nilang artista na kasali sa MMFF 2023.
Nakakapanindig-balahibo ang nasaksihan naming pagsuporta ng mga kababayan natin hindi lamang ng mga taga-CAMANAVA kundi maging ng mga taga-ibang siyudad na sumugod sa mga lugar na daraanan ng mga float.
View this post on Instagram
Nagsimula ang parada sa Navotas Centennial Park kung saan nagtipun-tipon muna ang mga artistang may entry sa taunang filmfest. Doon din luminya ang mga float ng bawat pelikula.
Baka Bet Mo: ‘Parade of Stars’ ng MMFF aarangkada na, pagkakasunod ng mga float ibinandera
Nauna sa float sequence ang “Firefly” ng GMA Pictures at GMA Public Affairs nina Alessandra de Rossi, Euwenn Mikaell, Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Cherry Pie Picache, Epy Quizon, Yayo Aguila, at Max Collins.
Sinundan ito ng “When I Met You In Tokyo” ng JG Productions kung saan present sa float sina Darren Espanto, Cassy Legaspi, Christopher de Leon, Kakai Bautista,.John Gabriel, Lyn Cruz, Jacky Woo at iba pang cast members. Absent naman si Vilma Santos dahil tinamaan ito ng usung-uso ngayong ubo’t sipon.
Nasa ikatlong puwesto naman ng parada ang “Rewind” mula sa Star Cinema na pinangunahan ng Kapuso Royal Couple ba sina Dindong Dantes at Marian Rivera at sinundan ng float ng “Broken Hearts Trips” under BMC Films nina Christian Babbles, Teejay Marquez, Marvin Yap, Petite, Iya Minah, Andoy Ranay at iba pa.
Sumunod naman sa linya ang float ng horror movie na “Mallari” mula sa Mentorque Productions nina Piolo Pascual, Elisse Joson, JC Santos, Janella Salvador, Ron Angeles at Gloria Diaz.
Nasa ikaanim na pwesto naman ang karosa ng “Penduko” nina Matteo Guidicelli, Kylie Verzosa, John Arcilla, Arron Villaflor, Phoebe Walker at marami pang iba at ikapito ang period film na “GomBurZa” kung saan naroon sina Enchong Dee, Cedrik Juan at iba pa.
Ang float naman ng “Family Of Two” nina Alden Richards, Miles Ocampo, Pepe Herrera, Jackie Lou Blanco at Megastar Sharon Cuneta ay nasa ikawalong pwesto na sinundan ng “Kampon” starring Derek Ramsay, Zeinab Harake, Erin Espiritu at Beauty Gonzalez.
Nasa ika-10 posisyon naman sa parada ang pelikula nina Eugene Domingo, Pokwang at Romnick Sarmenta na “Becky And Badette”.
Nakakatuwang pagmasdan ang mga kababayan natin na talagang naglaan ng kanilang oras para masaksihan ang pagparada ng mga artistang may pelikula sa MMFF 2023.
View this post on Instagram
Mula sa Navotas Centennial Park hanggang sa Valenzuela People’s Park kung saan nagtapos ang parada ay hindi naputol at natigil ang pagdagsa ng mga tao sa lansangan.
At sabi nga ng ilang celebrities na nakachikahan namin bago mag-start ang Parade of Stars, napakagandang sign nito para sa MMFF 2023 dahil nararamdaman nila ang excitement ng mga Pinoy na muling bumalik sa mga sinehan.
Kayo dear BANDERA readers, anong pelikula ang uunahin n’yong panoorin sa December 25? Basta kami, dahil mahilig talaga kami sa horror, first on our list ay ang “Mallari” at “Kampon”.
The post MMFF Parade of Stars sa CAMANAVA tagumpay; 10 entry pabonggahan ng float appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments