Responsive Ad

Maraming lugar sa Luzon naka-‘red alert’ dahil sa malakas na ulan

Maraming lugar sa Luzon naka-‘red alert’ dahil sa malakas na ulan
INQUIRER file photo

DAHIL sa walang tigil at malakas na pag-ulan dulot ng Habagat, naka-red warning na ang mas maraming lugar sa Luzon ngayong Sabaso, August 29.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinaas ang red rainfall warning sa Bataan, Zambales, Pampanga, at ilang bahagi ng Bulacan.

Ibig sabihin, maaaring makaranas ang mga lugar na ito ng mahigit 30 millimeters (mm) ng ulan sa loob ng susunod na ilang oras.

Samantala, nasa ilalim naman ng orange rainfall warning ang Metro Manila, Rizal, Cavite, at ilang bahagi ng Tarlac, Bulacan, Batangas, at Laguna.

Baka Bet Mo: Bagyo 101: Mga panganib kapag nakatanggap ng Heavy Rainfall Warnings

Sa ilalim ng orange warning, maaaring umabot sa 15 hanggang 30 mm ang ulan sa mga nabanggit na lugar.

Naka-yellow rainfall warning naman ang ilang bahagi ng Tarlac, Laguna, at Batangas, kung saan inaasahang makapagtatala ng 7.5 hanggang 15 mm ng ulan sa susunod na ilang oras.

Ayon pa sa PAGASA, maaari ring makaranas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na paminsan-minsan ay malakas ang Nueva Ecija at ilang bahagi ng Batangas at Quezon, pati na ang mga kalapit na lugar.

Sinabi ni PAGASA weather specialist Veronica Torres na maaaring umabot sa 100 hanggang 200 mm ang ulan sa Zambales, Bataan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, La Union, Benguet, at Ilocos Sur ngayong Sabado.

Dahil ito sa pinalakas na Habagat na patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng Luzon.

Maaari rin umabot sa 100 mm ang ulan sa ilang lugar sa kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Ilocos Norte, Abra, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Bulacan, Rizal, Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.

Kaya naman, pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na mag-ingat at maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na madalas bahain at nasa gilid ng mga bundok.

The post Maraming lugar sa Luzon naka-‘red alert’ dahil sa malakas na ulan appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments