Responsive Ad

Chavit Singson ibinandera pagbubukas ng unang e-Jeepney factory sa Pinas

Chavit Singson ibinandera pagbubukas ng unang e-Jeepney factory sa Pinas

Chavit Singson pinangunahan ang pagbubukas ng kauna-unahang e-Jeepney factory sa Pilipinas

ISANG matagal nang pangarap ni dating Gov. Luis “Chavit” Singson ang natupad nang pinasinayaan nitong Lunes ang kauna-unahang e-Jeepney assembly plant ng bansa sa Lima, Batangas.

Ito ay magbubukas ng bagong yugto sa sustainable at eco-friendly na transportasyon sa Pilipinas.

Sa loob ng malawak na planta, ipinahayag ni Singson ang kanyang adhikain – ang bigyan ng pagkakataon ang mga tsuper sa modernong panahon.

“Eksaktong kinopya namin ang iconic na disenyo ng jeepney dahil ito ang hiling ng mga tsuper at transport groups. Kinakailangan din ito ng gobyerno.

“Ngunit ngayon, ginagawa natin itong sustainable,” ang pahayag ni Singson matagal nang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga transport workers.

Ang bawat unit ay nagkakahalaga ng P1.2 million kumpara sa P2.5-P3 milyong presyo sa merkado, na kayang bawiin ng mga tsuper sa loob ng 2 hanggang 3 taon.

Ayon kay Singson, may buong suporta sa lokal na maintenance ang pasilidad na magpo-produce ng 500 unit bawat buwan.

“Kapag may nasira, maaayos natin dito,” saad ni Singson. “Target naming gumawa ng 500 unit bawat buwan, at dadami pa ito kung tataas ang demand.”

Lahat ay asembolado sa planta ng mga Pilipinong manggagawa. Dalawang oras lang at apat na trabahador para sa bawat unit, paliwanag niya.

Ang planta na magbibigay ng trabaho sa humigit-kumulang 80 na manggagawa at palalawakin pa sa Visayas at Mindanao.

Hindi ito politika, ang sabi Singson, “Ayokong mabahiran ng kulay kaya ako nag-withdraw. Gusto ko ng solusyon.”

Si Rep. Richelle Singson ng Ako Ilokano Ako Party-list ay nauna nang nangakong ipagpapatuloy ang adhikain ng ama, “Tinutuloy namin ang laban ni Daddy.”

Pinangako niya na pangungunahan ng Ako Ilokano Ako party-list ang pagtulong sa mga tsuper at operator sa harap ng hamon ng PUV modernization program.

Gayunpaman, ang maliit na hadlang, ani ni Chavit, ay ang pag-apruba ng ruta ng e-jeepney.

Dagdag ng dating gobernador, hinihintay nila ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na iproseso ang mga aplikasyon ng prangkisa para sa mga serbisyo sa transportasyon ng e-jeepney.

Habang naghihintay ng mga lokal na permit, sinabi niya na lumalaki ang internasyonal na interes. Ang Paraguay ay nag-order na ng 60 unit sa P2.5 milyon bawat isa — isang deal na inamin niyang makakatulong na mabawi ang kanyang gastos.

Samantala, matibay ang suporta ng mga transport group sa proyektong ito. Ipinagpasalamat ni Orlando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, ang planta.

“Si Manong Chavit, siya ang nakaisip na yumakap sa amin sa transportation, at lalo na sa LTFRB. Kami ay natutuwa dahil sa wakas naitayo na ang kauna unahang assembly plant ng ejeepney sa pilipinas.”

Ayon kay Zaldy Pingay ng Stop and Go Transport Coalition, “Nagpapasalamat kami kay Gov. Chavit dahil magbibigay ng napakamura, zero downpayment at interest.“

“Pilipino kukunin nilang workers. yung magtatarabaho dito sa planta at service center. Maraming tarbaho ang ibibigay. Malaking tulong sa ating ekonomiya. Hindi namawawla na ang mukha ng jeepney,” dagdag niya.

Ang planta ay bunga ng partnership ng LCS Group at E-MON Co. ng Korea, na nagdisenyo ng 27-seater na e-jeepney na pinagsama ang modernong teknolohiya at klasikong disenyong Pilipino.

Nakatakda na rin ang pagpapalawak sa Visayas at Mindanao, na magdudulot ng malawakang epekto sa ekonomiya ng bansa.

The post Chavit Singson ibinandera pagbubukas ng unang e-Jeepney factory sa Pinas appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments