Julia pang-best actress sa MMFF 2024 entry na ‘Hold Me Close’ – Carlo
HINDI raw imposibleng ma-nominate at manalo si Julia Barretto bilang best actress sa Metro Manila Film Festival 2024 para sa official entry niyang “Hold Me Close.”
Mismong ang leading man niya sa pelikula na si Carlo Aquino ang nagsabi na malakas ang laban ng dalaga sa magaganap na ika-50 edisyon ng MMFF Gabi ng Parangal.
Ang posibleng makalaban ni Julia sa Best Actress category ay sina Vilma Santos para sa “Uninvited”, Judy Ann Santos for “Espantaho”, Julia Montes sa “Topakk” at Aicelle Santos para sa “Himala: Isang Musikal”.
“Sobrang husay kaya ni Juju dito, ‘di ba Direk (Jason Paul Laxamana)?” ang pagmamalaki ni Carlo kay Julia sa naganap na presscon kahapon para sa kanilang MMFF entry this year.
Baka Bet Mo: Carla ibinuking si Rocco: Grabe ‘yung pressure sa kanya, pero napanindigan naman niya!
Parang nahiya naman si Julia sa mga sinabi ni Carlo pero aniya, ang mapasama pa lang sa 50th year ng taunang filmfest sa bansa ay isa nang bonggang achievement sa kanilang movie.
View this post on Instagram
“Sobra ko silang idolo (Vilma at Judy Ann). Even to be mentioned with their names, nakakadyahe siya. But I think this film, making it and being included, is such a great honor,” pahayag pa ni Julia.
Samantala, sasagutin ng “Hold Me Close” ang tanong na: “Kapag nag-krus ang landas ng isang manlalakbay at ng isang “clairvoyant” na dalaga, papabor ba sa kanila ang kapalaran, o paghihiwalay lang ang makikita nila sa kanilang future?”
Ginagampanan ni Carlo ang papel ni Woody, na pitong taon nang nagta-travel sa iba’t-ibang bahagi ng mundo para maghanap ng lugar na maaari niyang matawag na kanyang tahanan. Ang kanyang paglalakbay ay dadalhin siya sa siyudad ng Karatsu sa Saga, Japan.
Makikilala niya doon si Lynlyn, na ginagampanan ni Julia, isang charming pero misteryosong squid vendor sa local port market. Agad silang magki-click, at nagsisimula na ring maniwala si Woody na sa wakas ay natagpuan na niya ang kanyang tahanan.
Ngunit, isang lihim ang itinatago ni Lynlyn — ang kanyang kakaibang psychic ability. Mayroon siyang kakayahang makita kung saya o kalungkutan ang dadalhin sa kanya ng isang taong mahawakan niya. Dahil sa “gift” na ito, natuto na siyang maging maingat sa kanyang mga relasyon.
View this post on Instagram
Sa una, walang nakukuhang signal si Lynlyn kung ano ang magiging epekto ni Woody sa buhay niya pero inisip ni Lynlyn na mabuti na rin ito kaysa naman kalungkutan ang maramdaman niya.
Ito rin kasi ang unang pagkakataon na may nagpakita ng interes sa kanya kaya hinayaan niyang manligaw ito sa kanya. Pero dumating ang araw na nakaramdam ng kalungkutan si Lynlyn nang mahawakan niya si Woody.
Magkakaroon siya ng vision na sasaktan lamang siya nito. Kaya naman pipiliin niya na lumayo na lang kay Woody kahit pa malalim na ang kanilang koneksyon.
Pero determinado si Woody na patunayan kay Lynlyn na mali ang kanyang nakita. Mababago ba ni Woody ang isip ni Lynlyn? Tunay nga bang mas maalam ang puso kaysa sa babala ng tadhana? Alamin kung magtatagumpay sina Lynlyn at Woody na baguhin ang kanilang kapalaran.
Kinunan sa Japan ang kabuuan ng “Hold Me Close”, ito ang pangalawang pagtatambal sa pelikula nina Julia at Carlo matapos ang kanilang 2022 movie na “Expensive Candy” na idinirek din ni Laxamana.
Kung ang “Expensive Candy” ay tumalakay sa matapang at daring na tema, pakikiligin at sasaktan naman tayo nina Julia at Carlo sa romantic-drama na ito. Mapapakita sa “Hold Me Close” ang versatility ng dalawa bilang mga aktor.
Ang “Hold Me Close” din ang inaabangang pagbabalik-MMFF ng tambalang CarJul, huling lumabas para sa MMFF si Julia noong 2016 sa “Vince and Kath and James,” habang si Carlo naman ay huling napanood sa 2012 entry na “Shake, Rattle, and Roll XIV.”
Si Jason Paul naman ay hindi na rin baguhan sa MMFF. Noong nakaraang taon lang ay nakasali ang pelikula niyang action-adventure epic na “Penduko.” Kilala rin siya sa kanyang mga matagumpay na romantic dramas tulad ng “100 Tula Para Kay Stella” at “Just a Stranger.”
Huwag palampasin ang muling pagsasama nina Julia at Carlo at alamin kung kaya nga bang magtagumpay ng pag-ibig sa kabila ng ibang pinapahiwatig ng tadhana. Palabas na sa mga sinehan sa buong bansa ngayong Pasko ang “Hold Me Close.”
The post Julia pang-best actress sa MMFF 2024 entry na ‘Hold Me Close’ – Carlo appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments