Hirit ni Alan Peter Cayetano: Naniniwala ba kayong may power sa words?
SA episode ng “CIA with BA” nitong November 17, nagbahagi si Sen. Alan Peter Cayetano ng mahalagang pananaw tungkol sa kapangyarihan ng mga salita kasama ang kanyang mga co-host na sina Sen. Pia Cayetano at Boy Abunda.
Habang papatapos na ang episode, nagtanong si Sen. Alan sa mga manonood at sa Mariteam, “Naniniwala ba kayong may power sa words?
Napansin niya kasi kung paano madalas na minamaliit ng mga tao, lalo na ng mga ina, ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng salitang “lang” kapag inilalarawan ang kanilang mga responsibilidad sa bahay.
“Kasi napapansin ko ‘pag tinatanong, lalo (‘yung mga nanay), ang sagot, ‘Sa bahay,’ tapos may ‘lang,’” sabi ng senador.
Baka Bet Mo: Ken, Rita, Bitoy, Boobay binalikan ang pakikipaglaban sa COVID-19: Walang susuko, laban lang!
Binigyang-diin niya na bagama’t maaaring nagtatrabaho ang asawa mula 9 to 5, ang mga nananatili sa bahay ay nagtatrabaho 24/7. Ipinunto rin niya na kinikilala ng batas ang pantay na kahalagahan ng kanilang kontribusyon.
“Yes, nagtatrabaho ‘yung spouse, minsan 9 to 5, minsan longer. Pero kapag homemaker ka, 24/7 ka. Even sa batas, kinikilala na equal ang inyong kontribusyon at trabaho,” aniya.
“Kapag nila-lang natin ang sarili natin, bakit, hindi ba marangal ang trabaho?” dagdag pa.
Hinikayat niya ang lahat na kilalanin ang halaga ng kanilang ginagawa, at nagtapos sa pagsasabing, “If there’s power in words, let’s start practicing it.”
Sumang-ayon naman si Boy Abunda sa ganitong pananaw at nagbahagi ng personal na kwento.
“Importante talaga ‘yon,” sabi niya habang inalala ang kanyang pagkabata sa Samar. “Kapag kinukumusta kami, ako nakalakhan ko, na isinasagot, ‘Ito, Waray.’ It’s a way of humbling ourselves.”
Ang pag-uusap ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng wika sa paghubog ng ating pag-iisip at kung paano natin nakikita ang ating mga tungkulin, na nagpapakita ng panawagang pahalagahan ang bawat pagsusumikap at responsibilidad.
Ang “CIA with BA” ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Sen. Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11 p.m. sa GMA 7, at may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m..
The post Hirit ni Alan Peter Cayetano: Naniniwala ba kayong may power sa words? appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments