MTRCB nanguna, idinaos ang ‘Responsableng Panonood Family and Media Summit’
IDINAOS recently ang “Responsableng Panonood Family and Media Summit” ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para hikayatin ang mga pamilya na maging mapanuri sa paggamit ng media.
Ang summit ay ginanap sa Quezon City na dinaluhan ng mga kilalang personalidad, kabilang sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, mamamahayag na si Ms. Korina Sanchez-Roxas, DepEd Schools Division Superintendent Carleen Sedilla, Safe Schools Chairperson Dr. Arlene Escalante, at mga kinatawan mula sa National Council for Children’s Television (NCCT) na pinamumunuan ni Chairperson Dr. Luis Gatmaitan. Kasama rin sa seminar si Presidential Communications Office Director III-STRATCOM Sheryll Mundo.
Ang Summit ay bunsod ng bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang media at information literacy sa buong Pilipinas.
“Sa panahon ngayon, napakabilis ang pagbabago ng media landscape. Bilang Chair ng MTRCB at, higit sa lahat, bilang isang ina, nauunawaan ko ang mga hamon na kaakibat ng paggabay sa ating mga anak sa digital na panahon,” sabi ni MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio sa kanyang pambungad na pananalita.
“Mahalaga na mabigyan natin ang mga magulang at mga tagapag-alaga ng mga nararapat na mga kagamitan at kaalaman upang magabayan ang kabataan sa responsableng paggamit ng media,” dagdag niya.
Baka Bet Mo: Volleyball player na-huli cam na may malaswang galaw, MTRCB pinatawag ang PVL
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Belmonte na ngayon higit kailanman, kinakailangang makasunod ang mga matatanda sa digital na panahon.
“Isang malaking hakbang ang talakayan natin dito. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga matatanda, binibigyan natin sila ng kakayahang maging mas mapanuri sa kanilang napapanood at naipapakita sa kanilang mga anak,” sabi ni Belmonte.
Ipinagdiinan ni award-winning broadcaster at TV host Korina Sanchez-Roxas ang kahalagahan ng pagmo-moderate at pamamahala ng nilalaman.
“Mahalaga na magkaroon ng balanse sa pagitan ng screen time at mga pisikal na aktibidad. Ang uri at kalidad ng nilalaman na pinapanood ng ating mga anak ay may malaking epekto sa kanilang murang kaisipan,” sabi ni Sanchez-Roxas.
“Magtrabaho tayo tungo sa isang balanse at enriching environment kung saan maaaring umunlad ang mga bata sa parehong online at offline,” dagdag ni Sanchez-Roxas.
Ayon kay Sotto-Antonio, dito pumapasok ang Responsableng Panonood campaign.
“Naniniwala kami sa MTRCB na nasa puso ng Responsableng Panonood ang pamilyang Pilipino. Bilang pangunahing unit ng lipunan, sa tahanan unang natututo ang mga bata tungkol sa mundong kanilang ginagalawan. Kung ano ang kanilang nakikita sa telebisyon, online, at sa iba pang anyo ng media ay may iba’t ibang epekto ito sa kanila. Kaya naman, mahalaga na tayo, bilang mga magulang at tagapag-alaga, ay aktibong ginagampanan ang ating tungkulin sa paggabay sa mga bata sa wastong paggamit ng media,” diin pa ni Sotto-Antonio.
Tinalakay naman ni Dr. Gatmaitan ang mga pagsusumikap ng NCCT na itaguyod ang isang child-friendly TV landscape sa bansa.
Ang Responsableng Panonood campaign na inilunsad ng MTRCB noong 2023 ay binibigyang-diin ang mahalagang papel ng mga pamilyang Pilipino sa paghubog ng mga kaugalian sa paggamit ng media at naglalayong magbigay ng mga kagamitan sa mga magulang at tagapag-alaga upang matulungan ang mga bata na pamahalaan ang oras sa screen at pumili ng may kalidad na nilalaman.
Ang family and media summit ay nagtampok ng mga eksperto na nagbahagi ng mga pananaw at estratehiya para sa pagtataguyod ng kapaki-pakinabang at angkop na panoorin para sa mga bata.
The post MTRCB nanguna, idinaos ang ‘Responsableng Panonood Family and Media Summit’ appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments