Rochelle Pangilinan nagsalita na sa ‘away’ daw nila ni Jopay Paguia

GAANO nga ba katotoo ang chikang may matinding alitan si Rochelle Pangilinan at ang kapwa niya SexBomb member na si Jopay Paguia?
Matagal nang napapabalita na may samaan ng loob sina Rochelle at Jopay, at iniintriga na ito ang dahilan kung bakit wala ang huli sa bagong music video ng SexBomb Girls para sa bago nilang single na “Mama Mama.”
Aminado si Rochelle na totoo namang nagkakaroon din ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang grupo tulad din sa isang pamilya na sinusubok ng iba’t ibang challenges.
Sa guesting ng Kapuso actress at dancer sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, September 16, kasama ang iba pang members ng SexBomb, sinagot na ni Rochelle ang isyu.
Bago magtanong si Tito Boy tungkol sa hindi pagsali nina Jopay at Sunshine Garcia sa music video ng “Mama Mama” ay nagpasintabi muna siya kay Rochelle.
Sabi ng King of Talk, “Bakit sila hindi kasali sa music video and of course, hindi maiwasan itong pabulong na pinag-uusapan na diumano’y meron kayong hindi pagkakaunawaan ni Jopay.
“From the bottom of my heart, you may or you may not answer,” pagrespeto ni Tito Boy kay Rochelle.
Mas pinili ng aktres na sagutin ang tanong, “Hindi ko naman talaga ikakaila sa isang pamilya, sa mga magkakaibigan, nagkakaroon talaga yan ng hindi pagkakaunawan.
“Like, nakadepende pa rin yan kung paano maging maayos. Case-to-case basis. Kung gustong maging maayos ng isa, magiging maayos talaga, e,” ang lahad ng Kapuso star.
Baka Bet Mo: Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia may iringan nga ba?
“Kasi lagi kong sinasabi sa kanya, sa kanila, sa lahat. General po ako lagi.
“Isa lang dapat ang goal natin kasi, ‘Ano ang gusto ninyo,’ tinanong ko silang lahat, ‘longevity?’ So, ito yung way natin na tatahakin,” paglilinaw ng leader ng SexBomb.
Patuloy ni Rochelle, “Kung gusto n’yo na maging lider ako, e, kailangan rumespeto tayo. Kailangan magkaroon tayo ng respeto sa isa’t isa.
“Kailangan magkaroon tayo ng work ethic. Kailangan magkaroon tayo ng discipline. Maraming kailangang gawin na mapagkakasunduan ng bawat isa,” esplika pa ng 9th The EDDYS Best Supporting Actress.
Paliwanag pa niya, “Kumbaga sa isang boat, kailangan isa lang tayo ng sagwan, kasi hindi pupuwedeng hindi kayo makikinig sa akin, tapos may gusto kayong iba.
“Mahihirapan tayo du’n, hindi natin alam kung saan tayo pupunta. Tinanong ko sila, ‘Ano bang gusto ninyo? Longevity or marami pang work? Kasi kung ayaw ninyo na, I’m good, then stop,'” saad pa ni Rochelle.
“Kasi nakagawa na tayo ng legacy. Hindi na tayo bata para mag-away-away pa sa ganito. Magpapainterbyu dito, ganyan.
“Gagawan pa tayo ng tsismis. Ulam tayo or pulutan tayo sa ganito. Hindi na siya maganda para sa edad natin.
“So kailangan lang, isa lang tayo ng goal. Kung ayaw mo na, we’re good. Just say it,” sey pa ni Rochelle Pangilinan.
The post Rochelle Pangilinan nagsalita na sa ‘away’ daw nila ni Jopay Paguia appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments