Robin Padilla natatakot sa masamang epekto ng AI sa kabataan

NATATAKOT si Sen. Robin Padilla sa mga magiging epekto sa kabataan ng paggamit ng Artificial Intelligence o AI.
Ito ang inihayag ng action star at public servant sa naganap na pagdinig ng Senado hinggil sa lumalaganap at lumalawak na diskusyon hinggil sa usaping AI.
Sa interpelasyon ng isinusulong ni Sen. Robin na Senate Bill No. 2424 o “Child Online Safety and Protection Act” sa plenary session ng Senado nitong Lunes, September 14, nagsalita nga si Sen. Risa Hontiveros.
Hiningan niya si Padilla ng opinyon kaugnay ng Generative AI, partikular sa mga Chat GPT, Claud, Deep Seek, na madali nang naa-access ng kabataan.
Nabanggit din ni Hontiveros ang mga kaso tungkol sa paggamit ng Generative AI upang lumikha ng mga bomba, gamitin sa child sexual abuse at exploitation materials.
Sagot ni Padilla, “Sa katunayan, sa akin pong mismong personal na Facebook account, nandiyan po ‘yong aking takot na talagang ‘yong AI po ngayon, isang isyu rin po iyan na sa Estados Unidos.
“‘Yong mismong nag-imbento po ng AI ay sinasabi nila na darating ang panahon, na threat sa humanity ang AI,” anang aktor at senador.
Baka Bet Mo: TINGNAN: Ilang Pinoy celebs kumasa sa viral AI ‘80s trend
Sa kasalukuyan, gumagawa na raw ang kampo ni Padilla ng resolusyon kaugnay sa isyu ng AI sa bansa at sana raw ay mapunta sa pagdinig ng komiteng hinawakan niya na Committee on Public Information and Mass Media kapag inilabas na nila ito.
“Kami po ngayon ay nagpo-formulize ng isang resolution patungkol dito at ito po ay idudulog ko rin sa Senado, na sana po ang resolution na ito, kapag binigay namin ay mapunta rin po sa Public Information (Committee) ang pagdinig po dito,” saad ng mister ni Mariel Rodriguez.
“Ito pong Chat GPT na ito, naging isyu na rin po ito kung maalaala ninyo sa Supreme Court. Ito po ay kinatakutan nila dahil ang atin pong mga bagong abogado at mga nag-aaral, nagre-rely na diyan.
“At alam n’yo naman ‘yong mga bata, malikot. Napakadaling tanungin, e, at napakadali mong sagutin.
“Kaya ako po ay handang tumanggap kung ano po ang gusto n’yong gawing hakbang diyan. Dahil ako po mismo, natatakot diyan sa AI,” lahad pa ni Sen. Robin.
The post Robin Padilla natatakot sa masamang epekto ng AI sa kabataan appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments