Anjo Yllana pinagalitan ng mga anak sa paninira sa TVJ: Pinagsisisihan ko

HANGGANG ngayon ay sising-sisi pa rin ang veteran actor at dating TV host na si Anjo Yllana sa mga pinagsasabi niya laban sa mga dati niyang kasamahan sa “Eat Bulaga.”
Marami raw siyang natutunan sa naging pagkakamali niya, lalo na ang pagiging padalus-dalos dahil sa sama ng loob at bugso ng damdamin.
Nakausap ng BANDERA si Anjo, kasama ang ilang piling miyembro ng entertainment press sa naganap na “Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show 2026” kagabi, July 30 sa Shang-ri La Hotel, Mandaluyong City.
Isa nga sa mga nausisa sa kanya ay ang kasong isinampa sa kanya nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, through TVJ Productions kaugnay ng umano’y mapanirang-puring pahayag niya laban sa iconic trio at iba pang hosts ng “Eat Bulaga.”
Kamakailan lamang ay naglabas ng resolusyon ang Mandaluyong City Regional Trial Court Branch 279 na nagsasabing guilty si Anjo sa mga kasong isinampa laban sa kanya at pinagbabayad ng korte ng P3.5 million bilang danyos.
Ayon kay Anjo, tinanggap na niya ang nagawang pagkakamali at pinagsisisihan na niya ito kasabay ng hiling na sana’y humupa na ang galit sa kanya ng mga taong nasaktan.”Unang-una I made a public apology. I said sorry. I am very vocal na mahal ko sila. I admitted I made a mistake na may mali akong nagawa.
Baka Bet Mo: Anjo Yllana mag-aapela, nabigatan sa babayarang P3.5M sa TVJ: Meron ba akong ninakaw?
“Sabi ko nga pinagsisihan ko na yun, and the most important thing is natuto ka dun sa mga pagkakamali mo. Ang pinaka-wish ko lang naman ngayon hindi naman yung kung guilty ba ako o hindi or kung may babayaran akong malaki o hindi.
“Mas wish ko yung sana humupa na kung meron man sa panig ko…ang galit…sila,” pahayag pa ni Anjo Yllana.
Lahad pa ng beteranong komedyante, “Yung friendship kasi namin medyo dormant na for a year. Kasi nu’ng nag-resign ako sa show (Eat Bulaga) medyo hindi ko na sila nakakasama at nakakausap.
“Mas masakit…para sa akin mas masakit yung kapag meron ka palang mga taong may nakasamaan ng loob…minahal, nararamdaman mo na may galit sila sa yo, yun ang masakit sa akin hindi naman yung guilty ka o may babayaran ka,” saad ni Anjo.
Pagpapatuloy niya, “I learned from my mistakes, first time kong nagawa ito in my 41 years ko sa showbiz. Ang pinagsisihan ko yung bagay na natutunan ko, sabi ko nga you learn from your mistakes.
“Kapag hindi ka natuto sa mistakes mo, e, wala ka nang pupuntahan. E, sarili ko lang yun, e. Kumbaga mag-isang laban ko lang to,” aniya pa.
Sa tanong kung meron bang nangyaring mediation sa pagitan nila ng TVJ, “Wala. Pero kasi sa akin parang hindi na kailangang may mag-mediate pa kasi alam ko naman yung fault ko e.
“Bakit pa ko kukuha ng magme-mediate. Meron nga akong fault and I admit naman na I made a mistake.
“Parang kasalanan ko na naging emosyonal din ako. Naglabas ako ng mga sama ng loob ko pero yun nga first time lahat ng ‘to sa akin, e…ang importante rin sa akin ay natutunan ko na, ‘Ay mali pala yun.’
“Saka yung mga anak ko rin pinagalitan ako ng mga anak ko,” pag-amin ng komedyante.
Gumawa ba siya ng paraan para makausap ang TVJ? “Yung pinaka-reach out ko kasi yung ginawa kong public apology. Hindi naman kasi kami nagkita sa court and I was hoping na may makita ako sa court just to say hello and to say sorry personally.
“Ang sa akin kasi sugat yan, e, baka kapag pinilit ko ang sarili ko sa pakikipag-usap sa kanila, e hindi pa naghihilom yung sugat, baka lalong magkasugat. Sa akin siguro time na lang,” katwiran ng aktor.
Sa ngayon, tuloy lang daw ang laban niya at feeling niya baka raw umabot pa sa Supreme Court ang pag-appeal niya sa kinakaharap na kaso.
The post Anjo Yllana pinagalitan ng mga anak sa paninira sa TVJ: Pinagsisisihan ko appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments