Shuvee Etrata kontra sa premarital sex; virginity hindi basta-basta isusuko

HINDI basta-basta isusuko ng Kapuso actress at TV host na si Shuvee Etrata ang kanyang virginity kahit pa sabihing love na love niya ito.
Napag-usapan ang tungkol sa sex at sa pakikipagrelasyon sa latest vlog ni Phenomenal Box-office Star Vice Ganda kung saan naging special guest nga si Shuvee.
Dito, nag-share ang former “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” housemate at hinggil sa kanyang pananaw sa isyu ng premarital sex.
Una munang natanong ni Vice ang tungkol sa mga lalaking nagparamdam kay Shuvee, isa na nga riyan ang isang aktor na ibinuking ng kaibigan at dati ring “PBB” housemate na si Ashley Ortega.
Ayon kay Shuvee, pinayuhan siya ni Ashley na itigil na ang pakikipag-ugnayan sa sikat na aktor.
“Parang alam ko lang din kasi ‘yung parang ginagawa nila kay Shuvee,” ang sey ni Ashley kay Shuvee.
Sabi naman ni Shuvee, “Kasi feeling nila, taga-isla ta’s makuha kaagad nila ‘yung virginity. Sometimes ‘yun ‘yung tingin ng lalaki sa akin, dine-devalue nila ako as a woman. Kasi feeling nila, taga-probinsya. Kaya nilang loko-lokohin.”
Kuwento pa ng dalaga, may mga lalaking diretsahan siyang niyayaya na sumama sa bahay o condo ng mga ito. Kapag ganito na raw ang nangyayari, dedma lang at kusa na siyang lumalayo.
“Ako talaga, it’s hard for me to trust. Pero at the same time gusto ko rin namang magmahal. Kasi non-negotiable po sa akin ang sex. I don’t support premarital sex,” pahayag ni Shuvee.
Dugtong pa niyang paliwanag, “You know, puwedeng mag-enjoy, magtikiman. Ganu’n, ganu’n. Ta’s hanggang mas mahanap mo ‘yung gusto mo. Para sa akin naman, I don’t believe in that.”
NBSB o no boyfriend since birth din ang peg ni Shuvee pero aniya, may mga nanliligaw naman sa kanya, kabilang na riyan ang kapwa niya Sparkle artist na si Anthony Constantino.
Inamin ni Shuvee sa isang interview na totoong nanliligaw sa kanya ang hunk model pero hindi raw niya sinagot ang binata dahil nakatakda na siya noong pumasok sa Bahay ni Kuya.
Si Anthony ang personal na sumundo kay Shuvee nang ma-evict ang dalaga sa Bahay ni Kuya. Sa ngayon, wala pang update na ibinabahagi ang Kapuso star tungkol sa estado ng relasyon nila ni Anthony.
The post Shuvee Etrata kontra sa premarital sex; virginity hindi basta-basta isusuko appeared first on Bandera.
Source: The Daily Feed
Post a Comment
0 Comments