Responsive Ad

Atong Ang kay alyas Totoy: Itinuring kitang anak, ‘di ko alam na ganyan ka kasama!

Atong Ang kay alyas Totoy: Itinuring kitang anak, 'di ko alam na ganyan ka kasama!
PHOTO: Screengrab from YouTube

“ITINURING kitang parang anak ko. Hindi ko alam na ganyan ka kasama.”

Ito ang matapang at emosyonal na pahayag ng negosyanteng si Atong Ang laban sa self-proclaimed whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy” na isa sa mga pangunahing nag-akusa sa kanya sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa isang media interview nitong Huwebes, July 3, hindi na napigilan ni Atong ang kanyang saloobin matapos idawit ni Totoy ang kanyang pangalan, pati na rin ang aktres na si Gretchen Barretto sa diumano’y pagdukot at pagkawala ng mahigit 100 sabungero mula 2021 hanggang 2022.

Inamin din ni Atong na labis ang kanyang pagkadismaya, lalo’t ang mga paratang ay nagmula pa sa mga taong malapit sa kanya.

Baka Bet Mo: Gretchen, Atong Ang mapapasama sa mga suspek sa ‘missing sabungeros’

“Mag-isip ka, Don. Huwag ka na magsinungaling nang magsinungaling. Itinuring kitang parang anak ko eh. Hindi ko alam na ganyan ka kasama,” sey ng business tycoon na ayon sa ulat ng News5.

Gayunpaman, inihayag ng negosyante na hindi siya magpapatinag sa mga paninira at pananakot.

Dahil diyan, iginiit ng kampo ni Atong na bukas sila sa anumang imbestigasyon at handang makipagtulungan sa pamahalaan upang lumabas ang katotohanan.

“The reason na nandito kami at nagsampa ng kaso ay, number one, para lumabas ang katotohanan. Number two, para patunayan na si Atong Ang at ang mga kasamahan niya ay handang makipagtulungan sa gobyerno,” sey ng legal counsel ni Atong na si Atty. Lorna Kapunan.

Dagdag pa niya, “That includes the President, that includes the Supreme Court, and that includes the Secretary of Justice and all the personnel.”

Binigyang-diin ni Kapunan na hindi dapat umasa ang mga awtoridad sa testimonya ng isang whistleblower na ayon sa kanila ay may personal na interes. 

“’Wag sila maniwala sa ebidensya ng isang whistleblower na alam natin, based on personal knowledge, na siya ang nagdi-distort ng katotohanan,” sambit ng abogado.

Bilang tugon sa mga akusasyon, pormal nang naghain ng kaso si Atong laban kay alyas Totoy at isa pang dating empleyado na si alyas Brown sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office.

Kinasuhan ang dalawa ng conspiracy to commit attempted robbery with violence or intimidation, grave threats, grave coercion, slander, at incriminating innocent persons.

Sa reklamo, ibinunyag ng businessman na tinangka siyang kikilan ng dalawang whistleblowers umano ng halagang P300 million kapalit ng pananahimik. 

Noong Pebrero ay tinawagan daw siya ni Brown at iminungkahing bayaran si Totoy upang hindi siya madawit sa kaso. 

Noong June 22, muling tumawag si Brown at ipinasa ang telepono kay Totoy na umano’y nagsabing mananahimik kung ibibigay ang hinihinging pera. 

Matatandaang sa isang exclusive interview ni Emil Sumangil sa “24 Oras,” iginiit ni Totoy na si Atong ang “mastermind” sa pagkawala ng mga sabungero.

Ngunit ayon sa kampo ng negosyante, pawang kasinungalingan ang mga paratang at isa lamang itong taktika ng pangingikil na hindi nila papayagang mangyari.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

The post Atong Ang kay alyas Totoy: Itinuring kitang anak, ‘di ko alam na ganyan ka kasama! appeared first on Bandera.



Source: The Daily Feed

Post a Comment

0 Comments